Friday, February 6, 2015

-‘Di pa tapos ang laban





                                              -‘Di pa tapos ang laban
                                                           REY MARFIL/Spy On the Job
                                                                       Feb. 6, 2015

Sa halip na ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kaugnay ng madugong Mamasapano encounter, mas dapat na suportahan ang administrasyon sa paghahanap ng hustisya para sa mga nasawing pulis at patuloy na pagtugis sa mga tero­ristang banta sa kaligtasan ng maraming sibilyan.


Sinasabing opisyal na impormasyon na lang mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ang hinihintay para makumpirmang napatay ng mga magigiting na tropa ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang terorista at Jemaah Islamiyah leader na si Zulkifli bin Hir, o alias Marwan, ang tinatawag na Osama bin Laden ng Asya. Kamakalawa, kinumpirma na ito ng FBI.


Ipinadala kasi sa FBI sa Amerika ang sample ng DNA ng napatay na si Marwan sa isinagawang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 na kasapi ng SAF ang nasawi. Hindi man nadala ng SAF ang bangkay ng lalaking sinasabing si Marwan, pinutol nila ang daliri nito para magsilbing sample sa DNA test upang makumpirma ang kanyang katauhan.


Hindi karaniwan o basta-bastang terorista si Marwan. Minsan na rin siyang napabalitang nasawi sa isang ope­rasyon, na pagkaraan ng ilang taon ay natuklasan na buhay pa pala. Kaya naman hindi kataka-taka kung naging masikreto at limitado ang pagpapalabas ng impormasyon nang isagawa ang pag-atake ng SAF.


‘Yun nga lang, 44 na buhay ng mga pulis ang naging kapalit ng isang buhay ng teroristang si Marwan.

Ang tanong nga ng isang opisyal ng SAF – worth it ba? Sabi ng opisyal, kung ang mga nasawing SAF ang tatanungin, malamang na sabihin nila – worth it.


Kasi nga naman, sa kalibre ni Marwan na isang bomb expert na nagtuturo pa sa iba sa paggawa ng mga bomba, isipin na lang ang mga buhay na maaaring malagay sa panganib kapag muli siyang nagsagawa ng matinding pag-atake. Huwag nating kalimutan na 200 buhay ang nasawi sa isang pag-atake nito sa Bali, Indonesia noong 2000.


***


Base na rin sa mga impormasyon, bukod sa pagtuturo ng paggawa ng bomba, pinasok na rin ng grupo ni Marwan ang “bomb for sale”. Hindi natin alam kung sa kanila galing, o sila ang nagturo sa mga taong sangkot sa mga insidente ng pagpapasabog sa iba’t ibang lugar sa Min­danao, gaya ng car bomb sa Zamboanga City.


Pero ngayon, dahil may nakikitang pagkukulang sa Mamasapano operation na itinuturong dahilan kaya maraming SAF ang nasawi, may ilan na nanawagan kay PNoy na magbitiw sa puwesto. Pero ang tanong, ano namang kabutihan ang idudulot sa bansa kung magbibitiw ang Pangulo? Ito ba ang magiging tugon sa hinahanap na hustisya para sa SAF o lalo lang matutuwa ang mga nais na bumalik ang kaguluhan at baluktot na daan?


Dapat suriin ng bayan kung sino ang iilang grupo at indibidwal na nanawagan sa pagbibitiw ni PNoy.

Kabilang dito ang mga militanteng grupo at mga mambabatas, na napakaingay sa isyu ng Mamasapano encounter pero tahimik sa ginagawang pagsakop ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.


Patay na nga si Marwan pero hindi pa ang kanyang mga galamay. Kabilang sa mga dapat na patuloy na tugisin ay ang nakatakas na si Basit Usman, at iba pang taong nakinabang at naudyukan ni Marwan na maghasik ng lagim sa bayan.


Salamat sa mga SAF trooper na nagbuwis ng buhay para maging ligtas ang bayan. Pero hindi pa tapos ang laban at dapat itong ipagpatuloy ni PNoy kaya dapat niyang tapusin ang kanyang termino sa 2016.


Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: