-Papaano na ang kapayapaan?
REY MARFIL
Feb. 11,
2015
Dahil sa
madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 na Special Action
Force (SAF) ang namatay, nabalaho ang pag-usad sa Kongreso ng usapang
pangkapayapaan.
Pero papaano
kaya kung nabaliktad ang pangyayari at kaunti lang ang namatay sa hanay ng mga
pulis, ganito pa rin kaya ang sapitin ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na
tinatalakay sa Kongreso?
Nagpasya na
ang mga kinauukulang komite sa Senado at Kamara na pansamantalang suspendihin
ang deliberasyon sa BBL, na bahagi ng binalangkas sa usapang pangkapayapaan ng
pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nais ng mga
mambabatas na magkaroon na muna ng kalinawan sa tunay na nangyari sa
pagkakasawi ng 44 na SAF commandos na nakasagupa ang ilang tauhan ng MILF,
breakaway group nito na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at pati na raw ang
mga private armed group sa lugar.
May mga
nagalit kung bakit nakipagbakbakan ang MILF sa SAF gayung may umiiral na ceasefire
agreement sa magkabilang panig. Giit naman ng MILF, misencounter ang nangyari
dahil walang koordinasyon sa kanilang tropa ang pagsalakay ng SAF.
Depensa
naman ng mga lider ng SAF, hindi nila mahuhuli ang target ng operasyon na
teroristang si Marwan kapag inabisuhan nila ang MILF. Iyon nga, dahil sa
sobrang sikreto ng operasyon, 44 na SAF commandos ang nasawi at nalamatan ang
usapang pangkapayapaan.
***
Kung hindi
naganap ang Mamasapano encounter, may sinusunod na takdang panahon ang mga mambabatas
kung kailan nila aaprubahan ang BBL para maging ganap na batas sa ilalim ng
termino ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. Ang BBL ang magiging legal na
basehan sa pagbuo ng bagong political entity sa Mindanao na papalit sa
kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa
isang lider ng Kamara na namamahala sa pagtalakay sa BBL, kung nasunod ang
orihinal na plano nila sa pagtalakay sa nabanggit na panukalang batas, magagawa
sana ng komite ang draft bill sa ikalawang linggo ng Pebrero at inaasahan
nilang lulusot ang panukala sa plenaryo ng kapulungan pagsapit ng Marso.
Pero dahil
sa pagkansela sa pagtalakay sa BBL habang hinihintay nila ang pinal na ulat
mula sa binuong Board of Inquiry na nagsiyasat sa Mamasapano encounter,
inaasahang hindi na makakamit ang target na maaprubahan ang panukalang batas na
pangkapayapaan sa Marso.
Bukod sa
imbestigasyon mula sa Board of Inquiry, may resulta na rin ng kani-kanilang
hiwalay na imbestigasyon na ipinadala sa kapulungan ang ARMM, Armed Forces of
the Philippines at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process. Ang
tanong nga lang, papaano kung magkakaiba ang resulta ng imbestigasyon? Kaninong
report ang susundin ng kapulungan upang gamitin nilang basehan kung itutuloy o
hindi na ang pagtalakay sa BBL?
Bahagi ng
plano sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao ang paghahalal sana ng mga bagong
lider ng papalit na political entity sa ARMM. Sila ang magsisilbing panibagong
pag-asa sa matagal nang minimithing kaayusan at kapayapaan sa Mindanao.
Si ARMM Gov.
Mujiv Hataman, kahit apektado siya sa isinusulong na BBL dahil malulusaw ang kasalukuyang
autonomous region na kanyang pinamumunuan, suportado ang administrasyong Aquino
na ipagpatuloy ng Kongreso ang pagtalakay sa BBL at usapang pangkapayapaan sa
MILF.
Tulad kasi
ng maraming lider sa Mindanao, hangad din ni Hataman ang pangmatagalang
kapayapaan sa rehiyon. Tutol ang gobernador na magkaroon ng panibagong mga
labanan na magreresulta sa pagkasawi ng marami pang buhay ng mga kapwa
Pilipino.
Hindi
mabibigyan ng katarungan ang mga nasawi sa Mamasapano encounter sa pamamagitan
lamang ng pagkansela sa deliberasyon ng BBL at pakikipag-usap sa MILF. Dapat,
kung sino ang mga nagkulang at lumabis sa naturang trahedya, sila ang
papanagutin sa batas.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment