Wednesday, February 25, 2015

Hintayin na lang ang 2016





                                            Hintayin na lang ang 2016
                                                                       REY MARFIL

Sa imbestigasyon ng Senado, unti-unti nang nalilinawan ang istorya tungkol sa nalalaman ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nagbuwis ng buhay.

Pero ang tanong, ganito rin kaya ang tingin ng mga kritiko ng gobyerno, o mananatili silang parang bagong gi­sing na may muta sa mata na hindi makakita nang maayos?


Nang maganap ang trahedya, naglabasan ang mga haka-haka tungkol sa nalalaman ni PNoy sa operasyon. Pero sa simula pa lang, nanawagan na ang Pangulo na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BoI) para malaman ang katotohanan.

Dahil sa sensitibo ang misyon, naging masyadong masikreto ang nagplano ng misyon at pati ang ilang matataas na opisyal, pinaglihiman.


Bagaman inamin ni PNoy na batid niya na may misyon ang mga awtoridad sa paghanting sa international terrorist na si Marwan, at may mga nakakasang misyon para ito mahuli, hindi niya batid ang kabuuan sa naging misyon ng SAF noong Enero 25 kaya kulang-kulang din ang naibigay niyang impormasyon sa istorya sa mga nauna niyang pagharap sa bayan.


Pero sa halip na hintayin nga ang buong kuwento sa trahedya, ang mga tila hindi na makapaghintay ng 2016 na pagtatapos ng termino ni PNoy, gumawa ng mga haka-haka at sarili nilang kuwento para paypayan ang nag-aapoy na emos­yon ng publiko na nakikisimpatiya sa mga naulilang kaanak ng SAF 44.


Dahil hindi pa kumpleto ang imbestigasyon ng BoI, hindi pa mailabas ang resulta nito. Mabuti na lang at mayroong public hearing na ginagawa ang Senado at doon nalaman ang ilang detalye na taliwas sa mga haka-hakang pinapalabas na si PNoy mismo ang nagbigay ng “go signal” sa Mamasapano ay lumitaw na hindi totoo.


***


Batay sa mga testimonya ng mga opisyal ng militar at pulisya kabilang na si resigned PNP Chief Alan Purisima, lumitaw na limitado rin lang talaga ang kaalaman ng Pangulo sa naturang police operation.

Hindi rin totoo ang mga haka-haka na walang ginawang aksiyon o pinigilan pa raw ni PNoy ang militar na tulungan ang mga napasabak na SAF.


Sa mga testimonya sa Senado, lumabas na malinaw ang direktiba ni PNoy sa opisyal ng kapulisan na mamumuno sa operasyon, na dapat silang makipag-ugnayan sa militar bilang suporta sa mga pulis.

At nang mangyari na ang operasyon, natuklasan din na mali o kulang pa rin ang impormasyon na ipinadala ni Purisima kay PNoy sa pamamagitan ng text tungkol sa military support na ibinigay ng militar para saklolohan ang mga pulis.


Wala ring kinalaman sa Mamasapano operation ang pagpunta ni PNoy sa Zamboanga City. Ang haka-haka kasi ng mga may sariling kuwento sa trahedya, nagtungo sa Zambonga City si PNoy para doon tutukan ang misyon ng SAF kay Marwan.

Pero ang totoo, nagtungo ang Pangulo sa nabanggit na lungsod dahil sa nangyaring car bombing doon na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng marami, at ang bantang pagsalakay pa ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf.


Marami pang mga haka-haka tungkol sa Mamasapano tra­gedy ang magkakaroon na ng linaw gaya ng partisipasyon daw ng Amerika sa operasyon pero lumitaw din na hindi totoo at 100 percent Pinoy mission ang pagtugis kay Marwan.

Pati ang mga haka-hakang ininsulto ng Pangulo ang ilang naulilang kaanak ng SAF 44 ay lumitaw na hindi rin totoo at nagkaroon lang pala ng maling interpretasyon.


Katotohanan ang hinahanap ng lahat sa nangyari sa Mamasapano pero hindi natin ito makakamit sa pakikinig sa mga haka-haka ng mga tao na nasagasaan ng repormang ipinatupad ng pamahalaang Aquino; mga taong sinasamantala ang pagdadalamhati ng bayan sa nangyari sa SAF 44 upang maisulong ang kanilang personal na agenda.


Gaya ng imbestigasyon sa Mamasapano na dapat hintayin na lumabas ang resulta, makabubuti rin sa mga naghahangad na maagaw ang kapangyarihan sa Malacañang na hintayin na lang ang pagtatapos ng termino ni PNoy at sumali na sila sa demokratikong paraan ng pagpili ng lider ng bayan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: