Monday, February 23, 2015

Paramihin ang pink jeep









                                           Paramihin ang pink jeep
                                                                     Rey Marfil


Nagkaroon ng magandang regalo para kina lolo at lola, sa mga kababaihan at sa mga may kapansa­nan (PWDs) noong nakaraang Araw ng mga Puso ang isang asosasyon ng mga dyipni operators na bumibiyahe sa Guadalupe at Pateros.


Sa naturang araw kasi ay inilunsad ng Guadalupe-Pateros Jeepney Operators’ Association ang pink jeepneys na ang tanging pasaherong isasakay ay mga kababaihan, senior citizens at mga may kapansanan na kitang-kita naman natin na hirap talaga kapag oras de pataranta o rush hour.


Sa inisyal na paglulunsad ng proyekto ay nasa ­labing-apat na units ng dyip na bumibiyahe sa naturang ruta ang nagpabalik-balik para lamang maisakay ang mga pasaherong nabibilang sa mga nabanggit na sektor.


Hindi naman nabawasan ang kita ng mga drayber dahil ang ganitong sistema ay ginagawa lamang nila sa pagitan ng alas-6:00 at alas-9:00 sa umaga habang sa hapon naman ay mula alas-4:00 hanggang alas-7:00, sa pagitan nito ay wala silang pipiliin na isakay.


Matagumpay daw ito at talaga namang nakatulong para hindi na makipag-agawan ang mga matatanda, mga mahihinang kababaihan at mga may kapansanan sa ibang mga pasaherong talaga namang halos maki­pag-wrestling na, mauna lamang sa pagpasok at pag-upo sa dyipni.


***


Kung tutuusin, puwede namang palaganapin ang pink jeepneys sa iba’t ibang bahagi ng nagmamadali at apuradong bahagi ng Metro Manila dahil hindi lamang naman sa Guadalupe at Pateros matatagpuan ang mga sektor na binibigyan nito ng serbisyo.


Sa katunayan, napuri na rin ito ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil napakaganda at talaga namang busilak ang serbisyong ito ng mga tsuper sa naturang ruta.


At ngayong naging maganda nga ang impresyon ng LTFRB sa programang ito, hindi na siguro mahihirapan ang ibang asosasyon ng mga dyipni drivers na ipaalam o ihingi ng permiso sa ahensya ang mga susunod na ganitong programa para sa mga matatanda, kababaihan at mga PWDs lalung-lalo na ang mga pilay.


Mas mapapaganda pa nga siguro ito kung magtatalaga na rin ng jeepney stops kung saan, ang mga pink jeeps lamang ang titigil para lahat ng mga dapat nitong isakay ay sa isang lugar na lamang magsama-sama at huwag nang makihalo sa mga magugulo at ayaw magparaya.


Ang mga Pinoy ay likas na may pagkamagalangin sa mga nakakatanda at ordinaryo na rin lamang sa atin ang pagtulong sa mga may kapansanan kaya kung pag-aaralan pa nang higit na malalim ang programang ito ay siguradong mababawasan ang hinaing ng pagkaagrabyado na ating maririnig sa kanila.


At pagkatapos ng mga dyip, puwede na rin siguro sa mga bus dahil matagal na rin namang may mga sariling bagon sa MRT at LRT ang mga lolo, lola, ate na ayaw sumabay kay kuya at mga may kapansanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: