-Pag-asa’t kapayapaan sa 2015
REY MARFIL/Spy
on the Job
Dec. 31,
2014
Maganda ang
pagtanaw ng marami nating kababayan sa darating na taon, ayon ‘yan sa resulta
ng isang survey. Bakit nga naman, bukod sa gumagandang lagay ng ekonomiya,
naaninag din ang kapayapaan sa bansa na ilang dekada nang ginugulo ng mga
rebelyon.
Muli,
namayani ang pag-asa kaysa sa pangamba sa marami nating kababayang Filipino sa
pagsalubong nila sa 2015. Batay sa resulta ng survey ng Social Weather Station,
9 sa bawat 10 Pinoy o 93 percent ang nagpahayag na sasalubungin nila ang bagong
taon na may pag-asa.
Mula nang
manungkulan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino matapos ang May 2010 elections,
nanatiling mataas ang pag-asa ng mga Filipino sa pagsalubong nila sa bawat taon
-- 93% noong 2010, 95% noong 2011, 92% noong 2012, 94% noong 2013 at 93% naman
sa 2014.
Ang
pinakamataas na antas na pag-asa ay naitala noong 2002 na 95%, na naulit noong
2011.
Pinakamababa
naman noong 2004 na umabot sa 81%, at nasa 89% naman noong 2009 ng dating
administrasyon.
Maganda rin
na makita sa naturang survey na sa kabila ng mga naganap na kalamidad at ingay
sa politika hatid ng papalapit na halalan sa 2016, naging laganap ang pag-asa sa buong bansa --
mula sa Metro Manila (91%), Balance of Luzon (96%), Visayas (91%) at Mindanao
(91%).
Kahit nga
daw ang mga nagsabi sa isa pang survey na hindi magiging masaya ang kanilang
Pasko, naniniwala pa rin sila na may hatid na pag-asa para sa kanila ang
susunod na taon.
May dahilan
naman para harapin natin ang 2015 na may pag-asa. Bilang isang Katolikong bansa, puwede nating
isipin na isang magandang basbas para sa mga Filipino ang pagbisita ni Pope
Francis sa atin simula sa Enero 15.
***
Sana rin ay
maging taon ng kapayapaan ang 2015 para sa bansa dahil sa isinusulong ng
pamahalaan na maaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL), na seselyo sa usapang pangkapayapaan sa Moro
Islamic Liberation Front (MILF). Ito ang
magiging bagong political entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim
Mindanao (ARMM).
Naipadala na
ni Pangulong Aquino sa Kongreso ang draft ng Bangsamoro law kaya nakasalalay na
sa kamay ng ating mga mambabatas ang pagkakaroon ng katuparan sa hinahangad na
bagong simula sa Mindanao.
Maituturing
ding magandang panimula ang inihayag na intensiyon ng pamunuan ng komunistang
grupo na National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na muling ituloy
ang usapang pangkapayapaan sa pamahalaan pagkatapos ng pagbisita sa bansa ni
Pope Francis.
Bagaman wala
pang opisyal na tugon sa bagay na ito si PNoy nagpahayag naman si Presidential
Adviser on the Peace Process Teresita Deles, na maaari namang mangyari na
muling mag-usap ang magkabilang panig.
Kung
tutuusin, dapat lang naman na laging bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan kung
ito ang kasagutan upang matigil ang karahasan dulot ng kani-kanilang paniniwala
at ipinaglalaban.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment