Wednesday, December 24, 2014

Fare hike, fair hike




                                                                     Fare hike, fair hike
                                                                       REY MARFIL


Makaraan ang ilang taong pagpapaliban, tila tuloy na tuloy na ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) simula sa Enero 4, 2015. At gaya ng inaasahan, may ilang pulitiko na “nakikisakay” sa naturang isyu kahit hindi naman yata sila regular na sumasakay sa mga tren na ito.

Para sa isang pulitiko na gustong maging popular at may plano sa 2016 elections, magandang mag-ingay ngayon at kontrahin ang dagdag-singil sa pamasahe para maging “pogi” sa mahigit isang milyong sumasakay sa MRT at LRT bawat araw.

Pero ang tanong, makatwiran bang tutulan ang matagal nang naantalang fare hike kung makatutulong naman para mapaganda ang serbisyo ng mga tren at makatulong sa ipatutupad na proyekto sa ibang lugar?

Base sa inilabas na listahan ng Department of Transportation and Communications, maglalaro sa P10 ang dagdag singil sa MRT at LRT. Ang kasalukuyang singil na P20 sa LRT-1, magiging P30; ang singil sa LRT-2 ay magiging P25 mula sa kasalukuyang P15; at magiging P28 naman sa MRT mula sa kasalukuyang P15.

Ang halaga ng dagdag-singil na ito ay noong pang 2011 naitakda pero sa 2015 lang maipatutupad. Sa dagdag-singil na ito, tinatayang mababawasan ng P2 bilyon ang P12 bilyong taunang ibinubuhos ng pamahalaan bilang subsidiya sa mga pasahero ng MRT at LRT.

Sinabing nasa P25 ang sinasagot na subsidiya ng pamahalaan sa bawat sumasakay sa LRT, at mas malaki naman ang subsidiya sa mga sumasakay sa MRT na nasa P45. At sa kabila ng pagtaas ng gastusin sa operasyon ng mga tren sa nakalipas na maraming taon, aba’t lumilitaw na huling nagdagdag ng singil sa pamasahe ang LRT 1 noong 2003, at ang MRT, nagbawas pa na mula sa da­ting P34 ay naging P20 lamang.

Kaya naman kahit pa itaas ng P10 o gawing P30 ang singil sa MRT, mas mababa pa rin ang pamasahe nito noong 1999. Ang pondong inilaan ng pamahalaan bilang subsidiya sa mga pasahero ng LRT at MRT ay mula sa buwis ng lahat ng mga nagbabayad ng buwis sa buong bansa, pero hindi naman lahat ay sumasakay sa LRT at MRT.

***

Kung magagamit ang matitipid na P2 bilyon ng subsidiya sa iba pang proyekto at programa sa ibang lugar, o makapagpapahusay sa operasyon ng MRT at LRT, marahil ay makabubuting suportahan ang dagdag-singil. Lalo pa ngayon na lumitaw sa pag-aaral ng mga taga-Hong­kong na napag-iwanan na ng panahon at delikado na ang MRT na gamitin kung hindi maisasagawa ang mga kinakailangang rehabilitasyon.

Puwede ring isipin na lang ng mga sumasakay sa MRT at LRT na panahon na para tanggapin ang katotohanan (kahit hindi naman buo) na akuin ang dagdag-singil upang maka­tulong sa iba. Aba’y ang P2 bilyon daw ay kayang makapagpatayo ng mahigit 8,000 silid-aralan o makapagpagawa ng 82 kilometrong kalsada, o makabili ng dagdag na bagon.

At kung tutuusin, hindi maliit na halaga ang P10 bilyon na patuloy na ilalaan ng pamahalaan na subsidiya sa mga sumasakay sa MRT at LRT. Kaya hindi naman si­guro magiging mabigat sa loob ng mga tumatangkilik sa mga tren na ito kung magdagdag sila ng hanggang P10 sa pamasahe kung makikita nila na mapupunta talaga sa ibang makabuluhang proyekto o pagpapahusay sa pasa­lidad ang nababawas na P2 bilyong subsidiya.

Sa mga pulitikong maririnig o makikita nating mag-­iingay at kokontra sa dagdag-singil sa pamasahe na ito, dapat suriin ng mga publiko, lalo na ng mga sumasakay sa MRT at LRT kung tunay ba ang intensiyon nilang ipaglaban ang kapakanan ng mga pasahero o para lang sa pansarili nilang kapakanan sa ngalan ng popularidad.
Laging tandaan: ­“Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec2414/edit_spy.htm#.VJrKYv8taA

No comments: