Friday, December 12, 2014

Positibo lang dapat





                                                                 Positibo lang dapat
                                                                   REY MARFIL


Isang taon na ang nagdaan nang manalasa si “Yolanda” sa bansa. Sa tindi ng pinsalang iniwan niya, nagulantang maging ang ibang bansa. Sa kabila ng delubyo, dahan-dahang nakabawi ang mga nasalanta sa tulong ng mga pribadong organi­sasyon at ng pamahalaan.

At ngayong taon, panibagong pagsubok ang hinaharap ng marami nating kababayan na naapektuhan naman ng bagyong si “Ruby”. Salamat na lamang at hindi nagpatuloy na maging super­typhoon si “Ruby” kaya hindi kasing-lawak ng pinsala ni Yolanda ang kanyang iniwan sa mga dinaanang lugar.

Pero gaya ng mga biktima ni “Yolanda”, kampante ang mga kababayan natin na makakabawi rin ang mga naging biktima ni “Ruby”. Hindi ito imposibleng mangyari dahil nakaalalay lagi ang mga pribadong sektor at ang pamahalaan para mag-abot ng tulong sa kanilang pagbangon. Dapat lang na laging manalig at maging positibo ang pananaw na may magandang bukas na naghihintay sa atin.

Gaya ng resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na inilabas noong nakaraang Nobyembre kung saan ipinakita na dalawa sa limang Pinoy ang naniniwalang magiging maganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na taon.

Mukhang hindi naman ito imposibleng mangyari sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino dahil na rin sa mga positibong pagtaya sa ekonomiya ng bansa ng mga ekonomista sa Pilipinas at maging ng mga dayuhan.

Naniniwala sila na kasama pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na magkakaroon ng pinakamasiglang ekonomiya sa susunod na taon. Iyon nga lang, ipagdasal natin na sana ay hindi na magkaroon ng malalakas na bagyo sa mga susunod na taon. Malaking perwisyo kasi sa ekonomiya ang epek­to ng mga matitinding bagyo.

***

Bukod sa nawawalan ng kabuhayan ang mga kababayan natin sa agrikultura, ang pondong puwedeng ilaan sa ibang proyekto at programa ay napupunta sa pang-ayuda sa mga evacuees at pagpapakumpuni ng mga nasirang empraestruktura.

Kung walang mga mapaminsalang bagyo na katulad ni Yolanda, tiyak na mas maganda ang resulta ng pinakabagong datos tungkol sa bilang ng mga walang trabaho sa bansa. Sa ulat kasi ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumitaw na naibaba sa 6 percent mula sa nakaraang 6.4 percent ang unemployment rate sa ikaapat na bahagi ng 2014, na pinakamababa na sa nakalipas na 10 taon.

Gayunman, hindi kasama sa datos ng PSA ang employment rate sa Leyte, ang lugar na matin­ding sinalanta ni “Yolanda” at muling hinagupit ni ­“Ruby”. Bukod dito, lumitaw din sa pag-aaral na bumagal ang pagdagdag ng trabaho sa sektor ng agrikultura na karaniwang nahahagip ng bagyo.

Dahil sa mga positibong pananaw ng mga kababayan natin, hindi rin kataka-taka na patuloy ring tumaas ang satisfaction ratings na ibinibi­gay ng publiko kay Aquino, na mula sa +34 percent ay naging +39 sa huling bahagi ng taon, ayon sa SWS survey.

Kung magpapatuloy ang tamang paggastos sa pondo ng bayan, matinong pamamahala gaya ng ginagawa ni PNoy, patuloy na paglago ng ekonomiya, tahimik na pulitika, at walang mala-delubyong bagyo na katulad ni “Yolanda”, walang duda na makakamit ng bayan natin ang matagal nang inaasahan na pag-unlad ng bayan at ng mga mamamayan. Manalig lang at maging positibo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1214/edit_spy.htm#.VIr7lxaTvps

No comments: