Wednesday, December 3, 2014

No ‘left’ turn


                                                                  No ‘left’ turn 
                                                                REY MARFIL


Ano kayang mayroon sa “kaliwa” at naging kontrobersiyal ito nitong mga nagdaang araw. Una,  isang motorista ang napa-trouble sa isang traffic enforcer dahil sa planong pagkaliwa sa kalye; at sumunod naman ang isang advertisement na naghihikayat sa mga may-asawa na mangaliwa ang lumabas sa internet at nakatawag ng pansin ng Department of Justice.

Tungkol sa traffic constable at motorista, mukhang init ng ulo ang umiral sa kanila kaya nangyari ang kanilang engkuwentro at basagan ng ilong sa panulukan ng Quezon Avenue at Araneta Avenue.

Sabi ng constable, nag-dirty finger sa kanya ang motoristang sinita niya at hindi niya pinayagang “kumaliwa” sa isang kalye. Ang resulta, dumiretso ang motorista at nagbiyahe ng ilang metro para maka-U-turn para matumbok niya ang daan na gusto niyang tahakin.

Kung tutuusin, mas mabilis sana ang biyahe niya kung pinayagan siya ng constable na “kumaliwa” pero bawal nga kaya dapat lang niyang sundin kahit mamahalin pa ang kanyang kotse. Nang muling madaan ang motorista kay constable sa kanyang pag-ikot, muli silang nagkita at doon na nangyari ang insidente na naiwasan sana kung sa unang pagkakataon pa lamang ay hindi na nagtangkang “kumaliwa” si motorista.

Siyempre, iba ang bersiyon ni motorista sa bersiyon ni constable kaya hayaan na lang natin sa kinauu­kulan ang magpasya kung sino sa dalawa ang may pagkakasala at dapat parusahan.

***

Samantala, lumikha naman ng ingay ang advertisement ng isang website na nag-eengganyo sa mga may-asawa na mangaliwa. Sa aspeto ng advertising, tila tagumpay ang pakana ng isang adult website na lumikha ng ingay dahil napag-usapan ito sa media.

Kahit nga tayo ay pinag-uusapan natin ito ngayon pero hindi na natin sasabihin ang pangalan ng nabanggit na dating website para hindi na sila makakuha ng dagdag na libreng publisidad.

Iyon nga lang, tila desidido si Justice Secretary Leila de Lima na mapatanggal o ma-block sa Pilipinas ang nabanggit na website na nag-eengganyo sa mga may asawa na magtaksil. Aba’y dapat lang naman dahil may batas tayong nagbabawal sa pangangalunya.

Bukod sa may batas tayo laban sa pagtataksil,  Katoliko tayong bansa na naniniwala ang mayorya ng populasyon sa kasagraduhan ng kasal; kung saan ang mga nag-iisang dibdib ay nangangakong magsasama habambuhay -- till death do us part, ‘ika nga.

Bagaman tama ang sabi sa ads ng website na “buhay ay maigsi”, hindi naman tama ang karugtong nitong nakalagay na -- “mangaliwa”. Hindi ba’t mas maganda kung, “buhay ay maigsi, mamuhay nang tuwid”.

Hintayin natin kung anong hakbang ang gagawin ng DOJ laban sa website dahil tila may “bungi” ang pangil ng cybercrime law. Bunga daw iyon ng desis­yon ng Korte Suprema sa mga petisyon noon laban sa batas kaya inalis at idineklarang labag sa batas ang probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na “i-block” o alisin sa internet ang isang website na sangkot sa krimen o inirereklamo.

Sa kabila ng lahat, tandaan na lang lagi na huwag tayong lilihis ng daan; ang mali ay mali, at wala nang magpalusot kung mali. At para ‘di masangkot sa gulo, makabubuting tahakin ang “tuwid na daan” gaya ng laging payo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0314/edit_spy.htm#.VH484WdavFw

No comments: