Friday, December 19, 2014

Mga Pinoy ang dapat magprotekta





                                    Mga Pinoy ang dapat magprotekta
                                                    REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                Dec. 19, 2014

Pagkatapos ng pagbibilang sa araw ng pagsapit ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, isa pang countdown ang aabangan nating mga Pinoy -- ang pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15, 2015.

Kung tutuusin, may ibang nagsimula nang gumawa ng countdown sa four-day Pope visit na tatampukan ng pagbisita niya sa ilang lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte. Inaasahang dadagsain din ng mga mananampalataya ang misa na pangungunahan niya sa Quirino Grandstand sa Luneta.

Pero asahan na hindi magiging madali para sa pamahalaang Aquino ang ilalatag na seguridad para sa Santo Papa, na mistulang walang takot kung mayroon mang nag-iisip ng masama sa kanyang buhay.
Mantakin ba naman na mas gusto niya na hindi bullet-proof at walang takip ang kanyang sasakyan na “Pope mobile”.

Ang dahilan daw kung bakit nais ni Pope Francis na bukas ang kanyang sasakyan ay para makita siya nang lubos ng mga tao. Kasabay nito, pagpapakita rin ito nang lubos na tiwala niya sa ating mga Pilipino -- bagay na hindi natin dapat sirain.

Matindi ang direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga naatasang mangasiwa sa seguridad ni Pope Francis. Nais ni PNoy na kung anong seguridad ang ibinibigay sa kanya bilang lider ng bansa, nais niyang doblehin pa ang seguridad na ibibigay sa lider ng mga Katoliko sa mundo. Ganuong katindi ang malasakit ng Pangulo sa Santo Papa.

Pero hindi lang si Pope Francis ang nais ni PNoy na ingatan kundi maging ang libu-libo o milyun-mil­yong mananampalatayang Pinoy na inaasahang dadagsa sa mga lugar na pupuntahan ng lider na Santo Papa sa apat na araw niyang pananatili sa bansa.

Ngunit lagi nating tandaan na walang perpektong segu­ridad sa isang taong may masamang pakay; na gagawin ang lahat kahit harangan man ‘ika nga ng sibat, kahit sino pa ang madamay. Gaya na lang ng pambobombang naganap sa isang bus sa Bukidnon, na tila sinadya pa ng nambomba na pasakayin ang mga inosenteng mag-aaral bago pinasabog ang bomba.

Base sa lumabas na mga ulat, lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pangingikil sa kumpanya ng bus ang motibo ng isang armadong grupo sa Minda­nao sa ginawang pagpapasabog. Dapat na mahuli ang may pakana ng pambobombang iyon upang mabigyan ng hustisya ang mga nasawi at nasugutan.

***

Samantala, wala naman daw nasasagap na impormasyon ang mga awtoridad sa ngayon tungkol sa seryosong banta sa seguridad sa pagbisita ng Santo Papa. Ngunit hindi ito sapat para maging kampante ang mga awtoridad at maging ang mga taong nagnanais na pumunta sa mga lugar na pupuntahan ni Pope Francis.

Gaya nga ng sabi natin, marahil ay malaki ang tiwala ng Santo Papa na safe siya sa Pilipinas dahil mayorya sa populasyon ng Pinoy ay Katoliko. Naniniwala marahil siya na iingatan siya ni Lord, at nang laksa-laksang mananampalatayang Pinoy na nais siyang masilayan. Kaya naman dapat na gawin natin ang lahat upang makatulong sa pamahalaang Aquino sa ibibigay na proteksiyon sa lider ng Simbahang Katolika.

Isang paraan nito ay ang huwag maging pasaway at sumunod sa mga security measure na ilalatag para sa kaligtasan ng Santo Papa; na kapag sinabing bawal ang tao sa tinukoy na lugar, aba’y huwag nang makipagtalo at sumunod na lamang tayo. Ipagbigay-alam din natin sa kinauukulan kapag may nasagap tayong impormasyon na maaaring makatulong upang higit na maging epektibo ang gagawing pag-iingat kay Pope Francis.

Maituturing na magandang biyaya sa mga Pinoy ang gagawing pagbisita ng Santo Papa sa pagsisimula ng 2015. Pero mauuwi ito sa bangungot kapag may masamang nangyari sa Santo Papa habang nasa Pilipinas, bagay na hindi dapat hayaang mangyari ng mga Pinoy.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1914/edit_spy.htm#.VJQyenuFkqs

No comments: