Wednesday, December 17, 2014
Ang diwa ng pag-asa
Ang diwa ng pag-asa
Magandang pamasko sa administrasyong Aquino ang positibong pananaw ng mga Pinoy sa 2015. Batay kasi sa resulta ng isang survey, lumilitaw na halos siyam sa bawat 10 kababayan nating tinanong ay nagpahayag na puno ng pag-asa ang tingin nila sa susunod na taon.
Ang Pulse Asia ang nagsagawa ng survey noong Nobyembre 14-20, kung saan lumitaw na 88 porsiyento ng kanilang 1,200 katao na tinanong ang nagsabi na mas magandang buhay ang inaasahan nila sa 2015.
Ang maganda pa sa survey na ito, halos lahat ng mga Pinoy sa Luzon, Visayas at Mindanao, at bawat estado ng buhay -- mayaman, middle class, at mahirap, ang positibo ang pagtingin sa ating bansa sa susunod na taon.
Kung ang mga nagse-“senti” (sentimental) at mga “emo” (emotional) ‘ika nga ay may “pinaghuhugutan” kapag malungkot, tiyak na may pinaghugutan din o may basehan ang mga natanong sa survey ng Pulse Asia kung bakit positibo o puno ng pag-asa ang pananaw nila sa 2015.
Marahil, kabilang sa basehan nila ang patuloy na pagiging seryoso ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipatupad ang kanyang kampanya laban sa katiwalian. Kung hindi nga naman kasi nawawaldas ang pondo ng bayan, mas magagamit ito sa kailangang mga proyekto at programa.
Bukod diyan, kung nakikita ng mga negosyante -- dayuhan man o lokal -- na nawala na ang palakasan at lagayan sa paglalagak ng puhunan, mas marami ang maeengganyong magpasok ng negosyo sa bansa. Kapag maraming negosyo, mas maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa ikatlong bahagi ng taon, naitala nitong Oktubre ang pinakamababang unemployment rate sa bansa na 6 percent, kumpara sa 6.4 percent sa kaparehong panahon noong 2013.
Ito na ang pinakamababang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa sa nakalipas na 10 taon, mula noong Abril 2005, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
***
Kung tutuusin, baka mas mataas pa ang paglago ng ekonomiya natin at mas maraming trabaho pa ang naibigay sa ating mga kababayan kung hindi narendahan ang gastos ng pamahalaan sa mga infrastructure project bunga ng desisyon sa Disbursement Acceleration Program.
Bukod diyan, ang malaking pinsala rin na idinulot ng bagyong Yolanda noong 2013 na higit na naramdaman ngayong taon. Maraming kababayan natin sa lalawigan ang napinsala ang kabuhayan, at siyempre kailangang paglaanan ng pamahalaan ng malaking pondo ang rehabilitasyon sa mga sinalantang lugar ng bagyo -- at idagdag rin natin ang mga sinalanta ng lindol at ang kaguluhang nangyari sa Zamboanga.
Sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., magsisilbing malaking suporta ang mataas na pag-asa ng mga Pinoy para magpatuloy ang momentum ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng bansa.
Mismong si PNoy ang nagsabi na higit silang magiging abala sa nalalabing taon niya sa liderato para maipatupad ang mga programang kailangan ng bansa. Kaya naman magiging “kill joy” ang sinumang haharang at magiging balakid sa patuloy na pag-asenso ng ating bansa at mga kababayan.
At sa ating mga kababayan na may mga “pinagdadaanan” sa buhay, tandaan ang kasabihan ng mga pilosopo, na “patay lang ang walang pag-asa.” Pero kung nabasa mo ito, ibig sabihin, buhay ka pa. Kaya huwag kang mawalan agad ng pag-asa; magpakatatag at magsumikap para malampasan ang problema sa 2015.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1714/edit_spy.htm#.VJF_FHuFkqs
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment