-Magandang palatandaan sa 2015
REY MARFIL/Spy
on the Job
Dec. 29,
2014
Ilang araw
na lang at sasalubungin na natin ang 2015. Kumpara sa 2013, masasabi natin na
higit na naging mabait sa Pilipinas ang 2014, at nagpakita pa ng mga
palatandaan na higit na magiging maganda sa mga Pinoy ang susunod na taon.
Sabi sa isang ulat ni Labor Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, maganda ang naging takbo ng 2014 sa aspeto ng mga trabaho. Bakit nga naman hindi, kahit tumaas kasi ang labor force o bilang ng mga nagtatrabaho sa Pilipinas ngayong taon, nagawa pa rin ng pamahalaang Aquino na mapababa ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho.
Batay sa tala ng National Economic and Development Authority noong nakaraang buwan ng Nobyembre, ang unemployment rate sa bansa hanggang nitong Oktubre ay nasa 6 porsiyento na lamang, pinakamababa sa nakaraang 10 taon.
Habang sa datos ng DOLE, lumitaw sa October 2014 Labor Force Survey na nasa 94 percent ang employment rate sa bansa, mas mataas sa 93.6 employment rate sa kaparehong panahon noong 2013. Nangyari ang paglago sa bilang ng mga may trabaho kasabay ng pagkakadagdag ng 1.046 milyon katao na kailangan nang magtrabaho.
Dahil dito, sinasabing ang labor force ng bansa ay umabot na sa 41.3 milyon, mas mataas ng 2.7 percent kumpara sa kaparehong panahon noong 2013. Isipin na lang natin kung hindi nagawa ni PNoy na mapalago ang ekonomiya ng bansa at hindi nakalikha ng dagdag na mga trabaho ngayong taon.
Aba’y baka
mas matindi ang sakit ng ulo natin sa kriminalidad.
***
Sa pagtaya ni Sec. Baldoz, maganda ang ipinakitang pangako ng larangan ng paggawa sa susunod na taon. Alinsunod na rin ito sa plano ng pamahalaan tungkol sa mga sektor na bibigyan ng dagdag na atensiyon para makalikha pa ng mas maraming trabaho. Kabilang dito ang sektor ng agrikultura, turismo, manufacturing, infrastructure at information technology-business process management (IT-BPM).
Ipagdasal lang sana natin na walang supertyphoon na kagaya ni Yolanda na tatama sa bansa sa susunod na taon para hindi malihis ang atensiyon ng pamahalaan patungo sa rehabilitasyon. Mahirap kasi kung mauulit ang nangyaring pananalasa ni Yolanda, o kaya naman ng malakas na lindol, at matinding bakbakan ng militar at mga rebelde, na magdudulot uli ng matinding pinsala sa mga kababayan natin.
Sana nga ay magpatuloy lang ang pag-angat ng ekonomiya para patuloy din na magkaroon ng sobrang kita ang mga tao at makapag-impok sa bangko. Batay kasi sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nasa record high din ngayong taon ang laki ng halaga ng deposito ng mga nagbabangko.
Hanggang noong Setyembre, sinasabing ang kabuuang deposito sa mga bangko ay nasa P6.4 trillion, mas mataas ng P5.5 trillion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Magandang indikasyon ito na dumadami na ang nakakaisip mag-ipon sa bangko, at dumadami rin ang mga may naitatabing kita. Nabawasan ang pagwawaldas.
Maganda ring malaman ang balita na may mga kababayan tayong OFWs na nakahanap kaagad at nakapagtrabaho sa bansa nang umuwi sila sa Pilipinas. Ngayong nasa bansa na sila, makakapiling na nilang muli ang kanilang mga mahal sa buhay at magpapatuloy ang ikot ng kanilang buhay na magkakasama.
Maliban sa dalangin natin na huwag magkaroon ng matinding kalamidad, isama na rin natin sa dalangin ang ibang mga lider ng bansa -- na isantabi ang pulitika dahil sa 2016 pa ang eleksiyon -- at sa halip ay tumulong sana kay PNoy para makamit sa susunod na taon ang hinahangad nating kaunlaran sa buhay.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment