Monday, January 5, 2015

-Diretso lang sa hinaharap





                                             -Diretso lang sa hinaharap
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                  Jan. 5, 2014 Mon.


Parang kailan lang nang magbilang tayo ng mga buwan, linggo, hanggang maging araw sa pagsapit ng Pasko... at sa isang iglap, isang buong taon na naman ang lumipas. 

Sa mga mayroong pinagdaanan nitong 2014, tiyak na move-on ang magiging payo sa kanila nga­yong 2015.  Sabagay, mahirap nga naman na mabuhay sa nakaraan. Higit na madaling makakausad ang isang tao kung sa hinaharap na ang atensiyon at hindi na palingun-lingon pa’t baka mapatid sa paglalakbay.

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat kalimutan ang nakalipas. May mga sandali na kaila­ngang lingunin ang nakaraan upang magsilbing paalal­a o gabay sa ating paglalakbay sa hinaharap. Kung may nagawang mali noon, bakit gagawin pa nating muli sa hinaharap.

Gaya na lang ng naging mensahe at paalala ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang mga ‘boss’ sa pagsalubong sa 2015. Aniya, dapat pakatandaan na sa kabila ng mga tagumpay na nakamit ng bansa sa 2014 at mula nang igiya niya ang bansa sa “tuwid na daan”, mayroon pa rin ang iilan na nagmamanman at nag-aabang sa pagkakataon na maibalik ang luma at bulok na kalakaraan sa pamahalaan.

Walang tinukoy na pangalan si PNoy pero ang tila ipinapahiwatig niya ang mga nagnanais na maibalik sa dating gawi na tila normal lang na abusuhin ang kaban ng bayan at magmalabis sa kapangyarihan.

Hindi kataka-takang magpaalala sa bagay na ito si PNoy dahil ang 2015 ay maituturing taon na magpaparamdam na ang mga pulitikong nais na kumandidato sa May 2016 elections.  

At kung mga tiwaling opisyal ang maiboboto ng mga tao, malamang na masayang lang ang mga inilatag na reporma ni PNoy tungo sa pagbabago ng pamamahala.

Mahirap nga naman kung masasayang lang ang pinagsikapan ng pamahalaang Aquino na pasiglahin ang ekonomiya ng bansa at magpundar ng pundasyon sa edukasyon ng mga kabataan kung babalik lang tayo sa baluktot na sistema ng pamahalaan. Kumbaga ay ngayon na nagsisimulang mamunga ang itinanim na puno sa “daang matuwid”.

***

Aba’y noong nakaraang taon pala ay nakamit ng bansa sa unang pagkakataon ang investment grade status mula sa tatlong pinakasikat na credit rating agencies sa mundo. At noong nakaraang Disyembre ay nabigyan ng mga panibagong upgrade ang Pilipinas na umabot sa kabuuang 21 positive credit rating actions mula nang tahakin ng bansa ang daang matuwid.

Dahil sa mga upgrade na ito, sabi ni PNoy, mas murang makahihiram ang gobyerno ng pondong gagamitin sa mga programa’t proyekto; makahihikayat ng mas maraming mamumuhunan, mas mabilis na maihahatid ang mga benepisyo sa ating mga kababayan. 

Pero ang usapin sa gumagandang ekonomiya ay isa lamang sa mga positibong idinulot ng daang matuwid. Higit na mahalaga ay ang pagkakatanim sa isipan ng mga tao na hindi totoong walang pag-asa ang bansa. Noon, ang nasa isip ng maraming Pinoy, “kahit sinong maupo, walang mangyayari sa bansa”.  

Naipakita ni PNoy na may pag-asa pa ang Pilipinas kung magsasama-sama ang mga ‘boss’ sa pagpili ng matinong lider na magdidiretso sa pagbiyahe ng bansa sa tuwid na taon.

Mahigpit na paalala ni PNoy, alamin at kilala­ning mabuti “ang mga tunay na kakampi ng taumbayan, at kung sino ang nagpapanggap lang”. Na sa muling pagharap ng kanyang mga ‘boss’ sa sangandaan, dapat na piliing muli “ang landas ng malasakit at katuwiran, pumanig sa tama, at umiwas sa mga mapagsamantala”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: