Friday, December 5, 2014

Bawal ang ‘epal’ sa Santo


                                                          Bawal ang ‘epal’ sa Santo 
                                                             Papa REY MARFIL


Malinaw ang bilin ng kabunyiang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na huwag “umepal” ang mga politiko sa gagawing pagbisita ni Pope Francis sa Enero 2015. Pero siyempre, may ibang politiko ang hindi makatiis, lalo na iyong nag-aambisyong kumandidatong senador sa darating na halalan.

Tumpak at swak sa banga ang bilin ni Cardinal Tagle sa mga “epalistang” politiko na mahilig magpakalat ng kanilang mukha sa mga banner o streamer na may pagbati sa lahat ng okasyon -- kahit pa ­yata sa lamay.

Kahiya-hiya nga naman kung maglalagay ng “welcome” streamer sa pagdating ni Pope Francis sa Pi­lipinas pero ang nakalagay naman ay mukha ng politiko na malaki pa sa picture ng Santo Papa. At dahil hi-tech na ngayon ang photoshop, aba’y baka maisipan pa ng politiko na magpagawa ng picture na parang chummy-chummy o best friend sila ni Pope Francis.

Tandaan sana ng mga politiko na kahit kilalang low profile ang Santo Papa, siya ang bida sa pagdating niya sa bansa, at ang magiging mensahe niya para sa mga Filipino. Kaya naman huwag na sanang gumawa ng eksena ang mga nagbabalak na kasangkapanin ang Santo Papa para sa kanilang personal na interes pulitikal. Kayo rin, baka makarma lang kayo o tamaan ng kidlat habang nagse-selfie.

Pero kahit sa isang buwan pa ang dating ng Santo Papa, may ilang politiko na ang gumagawa ng paraan para makasali sa usapan ng Pope visit. Ngunit sa halip na magbigay ng positibong pahayag sa pagda­ting ni Pope Francis, intriga ang hatid ng ilang politiko gaya ng mga balitang nagbabalak tumakbong senador.

Sabi ng mga politikong ito na huwag na nating banggitin ang pangalan para hindi na sumikat, nakikialam daw ang administrasyong Aquino para maalis sa listahan ng mga bibisitahin ni Pope Francis ang Tacloban City, at sa halip ay sa Cebu City na lang magtungo.

Isang palatandaan daw ng ginagawang pagharang ng Malacañang sa pagpunta ni Pope Francis sa Tacloban ay ang hindi pagsasaayos sa Tacloban airport kung saan lalapag ang eroplano ng Santo Papa at magsasagawa rin ng misa.

Aba’y nang malaman na all systems go at inaapura ng gobyerno ang pagkumpuni sa airport na winasak ng bagyong Yolanda, may kambiyong hirit ang mga epal na politiko at sinasabing nabigo raw ang Malacañang na kumbinsihin ang taga-organisa ng mga lakad ng Santo Papa kaya daw ipinaayos na ang airport.

***

Pero kung tutuusin, mismong ang mga organizer at tagapamahala ng schedule ng Santo Papa ang nagsabi na hindi nakikialam ang Malacañang sa mga pupuntahan ni Pope Francis sa bansa.

Bukod diyan, talaga namang kinukumpuni ang airport noon pang Setyembre at patuloy itong ginagawa.

Hindi rin ang Malacañang ang nagsusulong na makasama sana ang Cebu City sa mga lugar na mapuntahan sana ng Santo Papa, kundi ang mismong lokal na pamahalaan ng lungsod.

Noon pang Nobyembre nananawagan si Mayor Michael Rama sa Vatican na pumasyal din sana sa kanilang lugar si Pope Francis dahil bukod sa ikinukonsiderang sentro ng Kristiyanismo ang lalawigan, naging biktima rin ng lindol at ni Yolanda ang kanilang lugar.

Maliban diyan, ipagdiriwang din ang ika-450th taon ng anibersaryo ng pagkakadiskubre ng imahe ng Sto. Niño sa Cebu at ika-50 anibersaryo ng Basilica Minore del Santo Niño. At kahit hindi nga kasama ang Cebu sa inilabas na mga lugar na papasyahan ng Santo Papa sa Enero, umaasa pa rin ang mga lokal na opis­yal na sana ay maikonsidera pa rin ang kanilang lugar.

Kaya naman ang payo natin sa ating mga kababa­yan, maging alerto sa mga epal na politika na maghahasik ng intriga at maling impormasyon para makasama lang sa balita tungkol kay Pope Francis.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)http://www.abante-tonite.com/issue/dec0514/edit_spy.htm#.VIDeImfdW58

No comments: