Monday, December 1, 2014

Katas ng niyog



                                                                   Katas ng niyog  
                                                                  REY MARFIL

Nagbunga at hindi nasayang ang pagod ng mga magsasaka ng niyog na naglakad patungong Malacañang mula sa Davao City upang hilingin sa pamahalaan na mapakinabangan na nila ang naipong pondo mula sa kanilang sektor na kung tawagin ay coconut levy fund.

Nitong nakaraang Setyembre, 71 magniniyog na kumatawan sa iba’t ibang organisasyon ng kanilang sektor ang nagtipun-tipon sa Davao City para sa gagawin nilang martsa patungong Malacañang na tinatayang tatagal ng 71-araw.

At nitong Miyerkules, nagkaroon na ito ng kaganapan. Kasama sa kahilingan ng grupo ay magpa­labas ng kautusan ang pamahalaan upang mapakinabangan na ng kanilang sektor ang tinatayang P71 bilyon na naipon mula sa kinaltas sa kanilang levy fund noong panahon ng rehimeng Marcos.

Masuwerte ang mga nagmartsang magsasaka ng niyog dahil nakikinig ang kasalukuyang pamahalaan sa kanilang karaingan. Kaya naman hindi sila binigo ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at malugod silang tinanggap sa Malacañang.

Sa pakikipagpulong ni PNoy sa mga magsasaka, isinama pa niya ang ilang kalihim ng kagawaran na may kaugnayan sa ipinaglalaban ng mga magniniyog.

Si PNoy na rin mismo ang nagsabi sa mga magsasaka ng niyog na matagal na niyang pinag-aaralan at nagbigay ng direktiba sa mga kinauukulang ahensiya na maghanda ng mga hakbang kung papaano magagamit ng tama ang coco levy fund para sa mga magniniyog.

***

Pero kahit mayroon nang plano, hindi pa rin ito kaagad maipatutupad dahil na rin sa hindi pa pinal na nareresolba ang usapin sa Korte Suprema.

Hindi pa kasi nakapaglalabas ng desisyon ang mga mahistrado tungkol sa motion for partial reconsideration at sa motion for partial entry of judgment na kapwa may kinalaman sa coco fund. Pero kahit hinihintay pa ang aksyon ng korte tungkol dito, may mga nakahanda nang planong gagawin ang pamahalaan.

Kabilang na rito ang pagpapasa ng isang batas na magbibigay garantiya na mapapangalagaan ang pondo ng niyog kahit magpalit-palit pa ang administrasyon, at nang matiyak na mapapakinabangan ng salinlahi ng mga magsasaka ng niyog ang pondo.

Isang paraan nito ay panatilihin at hindi galawin ang kapital na pondo, at tanging interest o tubo mula sa kapital ang ipalalabas at gagamitin sa mga proyekto at programa para sa kanilang sektor. Mainam ito dahil baka magkaroon ng buraot na liderato sa Palas­yo at biglang pag-interesan ang coco levy fund at gamitin kung saan-saan patungo sa kanilang bulsa.

Bukas din si PNoy sa mungkahi ng kanyang mga “boss” na magniniyog na gumawa siya ng isang exe­cutive order na lilikha ng trust fund para sa kanilang hanay. Iba pa ito sa nais niyang panukalang batas na malikha na handa niyang sertipikahan bilang “urgent bill” para maipasa kaagad.

Batid ni PNoy na sa sektor ng agrikultura, malaki ang potensiyal ng niyugan na mapagkukunan ng malaking kita sa bansa at makapagbibigay ng kabuhayan sa ating mga kababayan. Wala kasing masasayang sa tinaguriang “tree of life” dahil magagamit ang halos buong parte nito -- mula sa puno, dahon hanggang bunga -- maging buko man o matigas na niyog.

At sa harap ng mga kalamidad, gaya ng bagyo at mga peste tulad ng cocolisap, na nakapipinsala sa mga niyugan sa bansa, malaki ang maitutulong ng coco levy fund upang matulungan ang mga magsasaka at mapaunlad ang sektor ng niyugan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0114/edit_spy.htm#.VHuTBGdavFw

No comments: