Wednesday, December 10, 2014

Handa na nga ba tayo sa kalamidad?




                                    -Handa na nga ba tayo sa kalamidad?
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job


Matapos ang ilang araw na pagbabantay sa makupad kumilos na bagyong si “Ruby”, sa wakas ay tumama na siya sa kalupaan at hindi masyadong nagdulot ng matinding pinsala kung ikukumpara sa ginawa noon ng kanyang kumareng si “Yolanda”.

Tila nga yata aasahan na nating mga Pinoy ang pagdating ng malakas na bagyo bago magpalit ang taon. Pero hindi gaya noong 2013 na binulaga tayo ng super typhoon na si “Yolanda”, ngayong taon ay mukhang naawa si “Ruby” at binawasan niya ang kanyang dalang “powers”.

Sa mga inisyal na ulat na naglabasan ilang araw matapos mag-landfall si “Ruby” sa Eastern Samar, Romblon, Masbate, at Mindoro, hindi naging kasing tindi ng hagupit ni “Yolanda” ang pinsala niya sa bansa, lalo na sa bilang ng mga nasawi.

Mabuti na lamang at humina nga ang lakas ni “Ruby” habang papalapit siya sa kalupaan at hindi tuluyang na­ging super typhoon gaya ni “Yolanda”. Kung naging kasing lakas ni “Yolanda” si “Ruby”, maaaring mas matindi ang pinsalang iniwan niya dahil sa mabagal niyang pagkilos.

Nang tumama si “Ruby” sa kalupaan, naglalaro lang sa bilis na 10 hanggang 15 kilometer per hour (kph) ang kilos o andar nito, habang nasa 170kph ang kanyang hangin na malapit sa gitna. At kahit ilang oras siyang nagbuhos ng ulan sa mga dinaanang lugar, hindi pa rin naging kasing tindi ng ulan ni “Yolanda” at daluyong ang kanyang iniwan.

***

Mantakin natin kung nagtuloy si “Ruby” bilang super typhoon na may lakas ng hangin na mahigit 200kph, at kasing dami ng ulan ni “Yolanda”, mahirap at nakakatakot isipin ang pinsalang idudulot niya sa pag-usad lang na 10kph dahil magmimistulang bugbog-sarado ang lugar na tatamaan ng kanyang sentro.

Marahil ipagpasalamat natin na nabuo si “Ruby” sa panahon ng Disyembre na malakas na ang lamig ng Amihan na sinasabi ng mga dalubhasa na nagpahina sa bagyo. Paliwanag kasi nila, hindi raw gusto ng bagyo ang malamig na panahon at ang nais nito ang mainit habang nabubuo sa ibabaw ng Karagatang Pasipiko.  

Matatandaan na papasok pa lang noon ang Nobyembre nang mabuo at subaybayan ng PAGASA ang galaw ni “Yolanda”. Hindi pa kalamigan ang panahon noon hanggang sa manalasa na nga siya sa Visayas region sa gabi ng Nobyembre 8. 

At kahit hindi naging malinaw kaagad sa simula ang direksiyon na tatahakin ni “Ruby” dahil nga pabagu-bago ang galaw at lakas nito, dapat pa ring purihin ang mga nasa PAGASA sa matiyaga nilang pagbabantay at regular na paglalabas ng impormasyon sa media at publiko. 

Maliban sa paghina ng bagyo, malaking bagay din ang ginawang pagkilos ng pamahalaan sa pangunguna ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na nagbigay ng malinaw at kongkretong utos na gawing ligtas ang mga tao at ihanda ang mga kakailanganing ayuda pagkatapos ng pagtama ng bagyo.

At para matutukan pa nang husto ang pinsala ng bagyo at pagtulong sa mga “boss” niyang mamamayan na kailangan ng tulong, nagpasya si PNoy na hindi na ituloy ang pagpunta sa South Korea para dumalo sana sa taunang ASEAN-Republic of Korea (ROK) Commemorative Summit sa December 11-12.

Maganda rin ang ginawang pakikiisa ng mga tao na hindi naging pasaway sa paglikas para mailayo sila sa kapahamakan. Sana lang nga na ang maaga na paghahanda natin sa hagupit ni “Ruby” ay bunga ng leksiyon at aral na natutu­nan natin kay “Yolanda” at hindi dahil sa “trauma” o “takot”.

Kasi kung “trauma” ang dahilan kung bakit naging handa tayo, ibig sabihin nito ay may posibilidad pa na sa susunod ay magiging pabaya ulit tayo kapag nawala na ang takot. Pero kung nagawa natin ang pagkilos dahil sa natuto tayo ng leksiyon kay “Yolanda”, ibig sabihin, magiging matalino na tayo sa pagharap sa kalamidad sa lahat ng pagkakataon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: