Monday, November 3, 2014

Ginagawa ang lahat!



                                                                 Ginagawa ang lahat!  
                                                                   REY MARFIL

Magandang balita ang pahayag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kaugnay sa napipintong pagkakaloob ng pamahalaan ng 1,100 na permanenteng housing units sa susunod na buwan para sa naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda.

Binanggit ng Pangulo ang magandang balita sa panayam ng media sa kanya sa nakalipas na paggunita ng 70th Leyte Landing sa bayan ng Palo.

Siyempre, produkto ito ng matuwid na daan at malasakit ng Pangulo sa ating mga kababayang na­ngangailangan ng ayuda.

Hindi ba’t nakakatuwa na marinig kay PNoy ang kabuuang 120,000 housing units na tina-target ng pamahalaan na matapos ngayong taon para sa mga biktima ng bagyong Yolanda?

Sa nasabing bilang, ipapamahagi ang 120,000 mga yunit ng bahay sa mga rehiyong 4B, 5, 6, 7, 8, at CARAGA.

Sa ngayon, umaabot sa kabuuang 56,140 mga yunit o 47 porsiyento ng kabuuang alokasyon sa pabahay ang ipagkakaloob sa anim na mga lalawigan sa ­Rehiyon 8.

Ibinalita rin ni PNoy base sa impormasyon ni ­Social Welfare Sec. Corazon “Dinky” Soliman na marami sa mga nakaligtas sa bagyo ang nakalipat na sa pansamantalang pabahay.

Nitong Setyembre, sinabi ng Pangulo na naka­pagpalabas na ang Department of Budget and Ma­nagement (DBM) ng mahigit sa P40 bilyon para sa iba’t ibang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, go­vernment-owned and controlled corporations (GOCCs), at local government units (LGUs) para sa implementasyon ng relief at rehabilitation projects sa mga naapektuhan ng Yolanda.

***

Isa pang good news na ginagawa ng Department of Health (DOH) ang lahat ng makakaya nito ­para palakasin ang pagpuksa sa nakamamatay na Ebola Virus Disease.

Mismong si PNoy ang nagbigay ng direktiba sa DOH na gawin ang lahat ng makakaya nito para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Sa katunayan, sasailalim ang mga kinatawan ng DOH sa specialized training programs ng World Health Organization (WHO) para lalong mapalakas ang isinasagawang paghahanda ng pamahalaan sa Ebola.

Kabilang sa pagsasanay ang pagtuklas ng mga kaso ng Ebola at pag-uulat nito sa kinauukulan, pagtugon at paghawak sa posibleng outbreak, pagbabantay sa lahat ng posibleng daanan ng nagtataglay ng sakit, pangangasiwa sa mga kaso, koordinasyon ng mga kinauukulang mga ahensya, mga plano at mapagkukunan ng pondo.

Bahagi naman ng tinatawag na komprehensibong estratehiya ng WHO na ilalatag ang pagpigil sa impeksiyon, contact tracing, case management, surveillance, laboratory capacity, ligtas na paglilibing sa mga biktima, kaalaman ng publiko at pagtulong ng komunidad at pambansang lehislasyon at regulasyon para suportahan ang paghahanda ng bansa sa Ebola.

Sa ilalim ng panunungkulan ni PNoy, nakakasi­guro tayong gagawin nito ang lahat ng makakaya ­para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa iba’t ibang nakamamatay na sakit.

Laging tandaan
: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov0314/edit_spy.htm#.VFadoWdavFw

No comments: