Friday, November 7, 2014

Ang katuparan ng rehabilitasyon


                                                           Ang katuparan ng rehabilitasyon
                                                                         Rey Marfil


May kawikaan na walang sugat na hindi naghihilom.

At kahit anong pait ng nakaraan na iniwan ng bagyong “Yolanda” sa ating mga kababayan noong nakaraang taon, babangon at babangon tayo para magpatuloy ang buhay. Sa pagbangon na ‘yan, mahala­gang malaman na karamay nila ang pamahalaan.

Matapos na aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang inilatag na P167.9-bilyong Comprehensive Rehabilitation and Reconstruction Plan (CRRP) sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, pinulong naman niya ang Gabinete para matiyak na mabilis itong maipatutupad.

At taliwas sa mga banat ng mga kritiko na mabagal ang pagkilos ng gobyerno, mismong ang Asian Deve­lopment Bank o ADB na ang nagsabi na mabilis ang nagaganap na rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda kung ikukumpara sa ibang bansa na hinagupit din ng matinding kalamidad tulad ng Aceh, Indonesia na tinamaan noon ng lindol at tsunami.

Sa pagtaya ng ADB, inaasahan nila na aabutin ng apat hanggang limang taon bago ganap na maka­babawi ang rekonstruksiyon sa mga lugar na lubhang napinsala ng super typhoon noong Nobyembre 2013.

Gayunman, tila hindi nais ni PNoy na paghinta­yin ng limang taon ang mga taong nais na makabangon agad sa naturang kalamidad. Sa nakaraang pagpupulong ng Gabinete, inatasan niya ang mga kinauukulang ahensya na madaliin at paigsiin ang mga pagpro­seso ng mga kailangang bagay para maisakatuparan ang mga kailangang programa at proyekto.

Katunayan, bago matapos ang 2014, nais ng pamahalaan na maipatupad na ang tatlumpung porsiyento ng 25,000 rehabilitation and recovery plans and programs na nakapaloob sa inaprubahang master plan.

At kung apat hanggang limang taon ang karaniwang tagal bago lubos na makabangon ang mga lugar na matinding tinatamaan ng kalamidad, si PNoy, nais na makumpleto ang nakasaad sa master plan sa 2016.

***

Alinsunod sa master plan, malaking bahagi ng pondo na aabot sa P75.68 bilyon ang ilalaan sa resettlement o pabahay sa mga nawalan ng tirahan. Aabot naman sa P35.15 bilyon ang gugugulin para sa mga impraestruktura, P26.41 bilyon sa social services at P30.63 bilyon para sa kabuhayan ng mga sinalanta.

Ang pagbuhos ng malaking pondo para sa pagpapagawa ng mga bahay at impraestruktura para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar ni Yolanda ay magbibigay ng trabaho at kabuhayan sa marami na­ting kababayan. Mahalaga ito lalo pa’t lumilitaw na tumaas ang antas ng kahirapan at kawalan ng trabaho sa Eastern Visayas mula nang mangyari ang hagupit ni Yolanda.

Naniniwala ang ADB na bubuhos at magtutuluy-tuloy ang mga gawain sa rehabilitasyon sa susunod na taon. Katunayan, target ng pamahalaan na mai­patupad at matapos ang 50 porsiyento ng master plan sa susunod na taon, at ang nalalabing 20 porsiyento ay inaasahang magagawa sa 2016.

Batid ng lahat na hindi biro ang pinsalang iniwan ni Yolanda. Mahigit 6,000 buhay ang nawala sa bagyo at umabot sa 171 na lungsod at mga munisipalidad mula sa 14 na lalawigan ang naapektuhan.

Kaya naman ang panawagan ng marami sa ating mga opisyal at mga politiko, kung hindi sila makakaisip ng paraan para makatulong upang mapabilis pa ang rehabilitasyon, sana ay hindi na sila mag-isip pa ng paraan para maging sagabal.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov0714/edit_spy.htm#.VFvvYmdavFw

No comments: