Wednesday, November 26, 2014
Magkaibang rekord!
Magkaibang rekord!
Sa mga laban ng Pinoy boxing pride na si Manny Pacquiao sa nakalipas na limang taon, isang boksingero na hindi naman niya kalaban sa ring ang laging ekstra bago at pagkatapos ng kanyang pakikipagbakbakan -- ang Amerikanong boxer na si Floyd ‘Money’ Mayweather Jr.
Sabagay, hindi lang naman si Pacquiao ang may ganitong sitwasyon. Kung si Mayweather naman kasi ang may laban, ekstra rin lagi ang pangalan ng “Pambasang Kamao”, bago at matapos ang laban ng binansagang “Money Man”.
May limang taon na ang lumipas mula nang magsimulang umingay ang kagustuhan ng boxing fans na magbasagan ng mukha sina Pacquiao at Mayweather sa ibabaw ng ring at nang makita kung sino sa kanilang dalawa ang pinakamagaling na boksingero.
Nang panahong iyon, 30-anyos pa lang si Pacquiao at 32-anyos naman si Mayweather. Pero dahil malabo nang mangyari ngayong taon ang bakbakan ng dalawa, posibleng sa susunod na taon o baka naman sa 2016 pa magkaroon ng katuparan ang hiling ng boxing fans kung magaganap ang dapat maganap. May bangis pa kaya ang kamao nila kapag 37 na si Pacman at 40 si Money Man?
Hindi naman natin masisisi si Mayweather kung atubili siyang labanan si Pacquiao. Mas malaki kasi ang mawawala sa kanya kapag natalo kumpara sa ating Pinoy boxing icon. Si Pacquiao ay may fight record na 57-5-2, 38 KOs, habang si Mayweather, malinis ang fight record na 47-0-26KOs.
Kung lalaban pa si Mayweather sa susunod na dalawang taon bago magretiro sa edad na 40, maaaring apat na laban na lang ang kanyang gawin na tig-2 laban bawat taon sa 2015 at 2016.
Si Pacquiao naman, kung tatakbong senador sa May 2016 at manalo, posibleng apat na laban na rin lang ang gawin na tig-2 laban din bago magretiro sa edad na 37.
Subalit hindi gaya ni Pacquiao na walang rekord sa laban na inaasinta, si Mayweather, puwedeng gumawa ng kasaysayan sa larangan ng boxing kung mapapanatiling malinis ang kanyang rekord na walang talo sa susunod na dalawang laban.
***
Sa ngayon kasi, hawak ng Amerikanong boxer na si Rocco Francis Marchegiano o Rocky Marciano, ang malinaw na fight record na 49-wins. Kung maipapanalo ni Mayweather ang dalawang laban nito sa 2015, mapapantayan na niya ang record ni Marciano, at posibleng mahigitan pa niya kung maipanalo niya ang ika-50 laban.
Ngunit namimiligrong hindi ito magawa ni Mayweather ang nagawa ni Marciano kung haharapin na niya agad si Pacquiao, na katulad niya ay itinuturing na pinakamagaling na boksingero ngayon.
Pero kung patuloy naman niyang iiwasan si Pacman, maaaring mahigitan nga ni Mayweather ang record ni Mariano subalit maitatala rin sa boxing history ang ginawa niyang pag-atras sa hamon ng ating kababayan at ginawa niyang pagbigo sa boxing fans na nagpayaman sa kanya.
Maaari pa rin naman siguro natin mapanood ang mega-fight bago matapos ang termino ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa June 2016 kung matatalo si Mayweather sa susunod niyang laban dahil masisira na ang kamada niyang gumawa ng bagong boxing record sa panalo.
Pero kung pursigido si Mayweather na makapagtala ng 49 o 50 wins at no loss record, baka ang piliin niyang kalaban ay pipitsugin para matiyak ang kanyang panalo. Ano naman ang dapat gawin ng boxing fans kapag ginawa niya ito, i-boykot at ‘wag pakitain ang laban ni Mayweather para mapilitan siyang pagbigyan ang gusto ng boxing fans sa isang mega-fight vs Pacquiao?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2614/edit_spy.htm#.VHT_tmdavFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment