Monday, November 10, 2014

Ibinuhos ng Pagcor!



                                                                 Ibinuhos ng Pagcor!  
                                                                     REY MARFIL



Magandang balita ang pagpapalabas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng karagdagang P2 bilyon para sa “Matuwid na Daan Silid-Aralan” na proyekto ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Aabot na ngayon ang kontribusyon ng Pagcor sa P7 bilyon para sa proyektong silid-aralan ng pamahalaan. Dahil sa ipinalabas na pondo, sinabi ni Pagcor chairman at chief executive officer Cristino Naguiat, Jr. na mas malayo ang mararating ng proyekto na pakikinabangan maging sa mga liblib na lugar sa bansa.

Sa kautusan ng Pangulo, masusi ang isinasagawang koordinasyon ng Pagcor sa sektor ng edukasyon para makitang mabuti ang estado at iba’t ibang problema ng mga pampublikong eskwelahan sa malalayong mga lugar sa bansa.

Malaki naman talaga ang inasenso ng kondisyong matuto ng mga mag-aaral dahil sa ibinigay na mga silid-aralan ng Pagcor. Nakakatiyak rin tayo na magpapatuloy ang administrasyong Aquino sa konstruksiyon ng mas marami pang mga silid-aralan para habulin ang kakapusan nito.

Malaking puhunan ang P7 bilyon na pondo sa sektor ng edukasyon na pakikinabangan nang husto ng mga kabataan sa malapit na hinaharap. Nalaman kay Education Sec. Bro. Armin Luistro, na nahabol na ang 66,800 kakapusan sa silid-aralan na naitala nong 2010.

Gayunpaman, sinabi ni Luistro na tinututukan ngayon ng ahensya ang taunang pagkumpuni at pagpapalit sa mga silid-aralan na naitayo 30 hanggang 50 taon na ang nakakalipas. Ayon sa DepEd, tinatayang 500,000 na lumang silid-aralan ang kailangang kumpunihin o palitan dahil sa kalumaan.

Mula sa inisyal na P2 bilyon na pondo na nailabas ng Pagcor noong Abril 2013, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na ang halos 75 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga silid-aralan na ginawa.

Sa 2015, target ni DPWH Sec. Rogelio Singson na kumpletuhin ang 1,070 silid-aralan. Layunin ng DPWH na tapusin sa 2016 ang lahat ng mga silid-aralan na gagawin gamit ang karagdagang P2 bilyong alokasyon na natanggap mula sa Pagcor.

Isinapormal ng Pagcor ang pagkakaloob ng karagdagang P2 bilyong pondo sa pamamagitan ng paglagda nina Naguiat, Luistro at Singson sa isang Memorandum of Agreement (MOA).

Sa ilalim ng MOA, titiyakin ng Pagcor ang progreso ng konstruksiyon ng mga silid-aralan habang magkakaloob ang DepEd ng mga guro at teknikal na suporta para sa operasyon, mga gamit katulad ng upuan at lamesa, at pagmintina at pagkumpuni ng mga gusali.

Sa kabilang banda, gagawin naman ng DPWH ang mga silid-aralan at iba pang mga pangangailangan sa konstruksiyon. Sapul nang ilunsad ang proyekto noong 2011 para sa bagong mga silid-aralan, nakagawa na ang Pagcor, DepEd, at DPWH ng 906 na mga silid-aralan sa 201 na mga lugar sa bansa habang 630 silid-aralan ang kasalukuyang ginagawa sa 123 na mga lugar gamit ang inisyal na P5 bilyong pondo.

Kasama rin sa gagawin ang 91 silid-aralan sa Bohol na nasira ng lindol noong nakalipas na Oktubre 2013. Kabilang ang sumusunod na mga lalawigan at lugar na natapos na ang mga silid-aralan: Baguio, Benguet, Ilocos, Pangasinan, Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Cavite, Laguna, Quezon, Antipolo, Rizal, Oriental Mindoro, Romblon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Catanduanes, Sorsogon, Bacolod, Iloilo, Negros Occidental, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental, Samar, Zamboanga, Cagayan de Oro, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Davao City, Davao del Sur, Davao del Norte, at Sultan Kudarat.

Ipinapakita lamang nito kung gaano katindi ang pagmamalasakit ni PNoy sa pagtiyak na magkakaroon ng magandang kalidad ng edukasyon ang mga kabataang Pilipino.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
 http://www.abante-tonite.com/issue/nov1014/edit_spy.htm#.VF_gGGdavFw

No comments: