Walang ‘sagradong baka’ | |
Minsan pa, pinatunayan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na walang “sagradong baka” sa kanyang administrasyon. Kung may isyu na dapat linawin sa mga ahensya na kanilang pinamamahalaan, dapat nila itong ipaliwanag kahit sila pa mismo ang maisalang sa imbestigasyon.
Gaya na lang ng nangyari ngayon kay Health Secretary Enrique Ona na kinailangang magbakasyon at maging pakay ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa ginawang pagbili ng ahensya noong 2012 ng mga anti-pneumonia vaccine na Pneumococcal Conjugate Vaccine 10 (PCV 10).
Hindi biro ang laki ng pondo ng bayan na ginastos sa PCV 10 dahil nagkakahalaga ito ng P833 milyon.
Bukod sa malaking halaga ng pondo, sensitibo rin ang programang pinaggamitan ng mga bakuna dahil sa mga bata ito itinurok upang mabigyan sila ng proteksyon laban sa pulmonya at iba pang sakit.
Kaya naman makatwiran ang paliwanag ni PNoy sa mga dahilan niya upang atasan si Ona na ipaliwanag kung bakit ang PCV 10 ang binili ng DOH, sa halip na PCV 13 na sinasabing higit na inirekomenda ng mga dalubhasa. Bukod daw kasi sa mas mura ang PCV 13, mas mabisa rin daw ito kaysa sa PCV 10 na kinuha ng DOH.
Ipinaliwanag kasi ni PNoy sa panayam sa kanya ng media na isa sa mga basehan niya para paimbestigahan ang isang opisyal ng gobyerno -- lalo na kung miyembro ng Gabinete -- ay kung gaano kaseryoso ang isyu. Sa usapin ng PCV 10 vaccines, kalusugan ng mga bata ang nakataya at seryoso itong itinuturing ng Pangulo.
Binanggit din ni PNoy na kasama rin sa kanyang sukatan sa pagpapaimbestiga ay kung gaano katindi ang epekto sa publiko ng kinasasangkutang isyu ng opisyal, at kung may sapat na basehan ang mga ibinibintang sa opisyal. Pero siyempre, ibang usapan ang mga batikos at banat sa mga opisyal na makikitaan ng bahid ng pulitika o vested interest ng mga nag-aakusa.
***
Sa sitwasyon ni Sec. Ona, ipinakita ni PNoy ang pagiging transparent dahil siya mismo ang nagpaliwanag sa publiko na nagbakasyon ang kalihim para matutukan nito ang paghahanap ng sagot sa mga itinatanong niya tungkol sa mga biniling bakuna.
Matatandaan kasi na kalusugan ang idinahilan ni Ona kung bakit siya nagbakasyon ng isang buwan at walang nabanggit ang kanyang tanggapan tungkol sa kontrobersyal na PCV 10. Pero wala pa naman daw pasya si PNoy kung tuluyan nang mauuwi sa pagbibitiw ang bakasyon ni Ona. Marahil, ang magiging kapalaran ng kalihim ay nakasalalay sa mga sagot na maibibigay niya sa Pangulo tungkol sa mga bakuna.
Malamang din na marami ang naghihintay na malaman ang kasagutan sa mga tanong na: Nasulit ba ang pera ng bayan sa mga biniling bakuna? Mas mabisa ba talaga at mas mura ang PCV 13 kaysa PCV 10?
Nasunod ba ang tamang proseso sa pagbili ng mga bakuna? At kung may kumita ba sa transaksyon na ito?
Sa kabilang banda kung susuriin, masuwerte si Sec. Ona dahil mabibigyan siya ng pagkakataon na maipaliwanag ang naging aksyon ng kanyang ahensya sa pagbili ng PCV 10. Kasi kung naniniwala na si PNoy na may kalokohang nangyari sa pagbili ng mga bakuna, baka hindi na hihintayin ng Pangulo ang paliwanag ng kalihim. Baka sa halip na “leave” e resignation ni Sec. Ona ang naging laman ng balita.
Hintayin na lang natin ang susunod na kabanata.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov1414/edit_spy.htm#.VGUoUWdavFw
No comments:
Post a Comment