Wednesday, November 5, 2014
Salamat at paalam, Mamang Maliit!
Salamat at paalam, Mamang Maliit!
Kung sikat ngayon ang child star na si Ryzza Mae Dizon sa tawag na “Aling Maliit”, noon naman ay mayroong sikat na “Mamang Maliit” dahil sa husay niyang magsilbi sa publiko -- ang namayapang dating senador at dating Health Secretary na si Juan Flavier.
Kahit 4’11 lang ang height ni Flavier, mataas naman ang pagtingin sa kanya ng mga nakakakilala sa kanya, at mga tao na kanyang natulungan at napagsilbihan.
Ang sanggol na isinilang sa Tondo noong June 23, 1935 at lumaki sa Balatoc, Benguet, ay naging doktor ng mga mahihirap sa baryo, at nanguna sa iba’t ibang sibikong gawain na nagpapaunlad sa kanayunan tulad ng Philippine Rural Reconstruction Movement.
Si Flavier ay isang maliit na tao na may malaking pagmamalasakit sa kapwa-tao. Ayon kay dating Pangulong Fidel Ramos, isa sa mga dahilan kung bakit hinirang niyang kalihim ng kalusugan si Flavier noong 1992 ay bunga ng malawak nitong karanasan bilang doktor sa kanayunan, na siyang kailangan noon sa kanyang administrasyon.
Hindi naman nagkamali ng pagpili si Ramos. Sa ilalim ng pamamahala ni Flavier bilang pinuno ng DOH mula 1993 hanggang 1995, inilunsad nito ang napakaraming epektibong kampanya para sa kalusugan ng lahat, hindi lang ng mga nasa lalawigan.
Tumatak ang campaign slogan niyang “Let’s DOH It”, na naging epektibo para sa immunization program, ang anti-cigarette campaign na Yosi Kadiri, nandiyan din ang Oplan Alis Disease, Sangkap Pinoy, Sariling Salat sa Suso, Patak Health Centers, Sagip Mata, at marami pang iba.
Itinaguyod din niya ang iba pang programa gaya ng pagpapalaganap ng herbal medicine na Sampung Halamang Gamot, Baby and Mother Friendly Hospitals, at ang Doctors to the Barrios, na talaga namang hinangaan pati ng mga propesyunal.
Sa programang DTTB, ipinakita ni Flavier na may malasakit ang gobyerno at ang mga doktor sa mga kababayan nating nasa malalayong lugar at hindi nahahatiran ng serbisyong medikal.
Dahil sa pagiging epektibong kalihim, malakas ang karisma sa publiko at madaling lapitan, hindi naging mahirap kay Flavier na manalo nang kunin siyang kandidatong senador noong 1995, at muling nanalo sa kanyang re-elections noong 2001 kahit pa naging mahigpit ang kampanya laban sa kanya ng Simbahang Katolika dahil sa pagsusulong ni Flavier sa reproductive health bill.
Ilan sa mga batas na katuwang siya sa pagbalangkas o kasama siya bilang may-akda ay ang E-Commerce Law, Indigenous People’s Rights Act, ang Newborn Screening Law, Traditional and Alternative Medicine Act, Philippine National HIV-AIDS Law at marami pang iba.
***
Tulad ng hangarin ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pagtahak sa “daang matuwid”, mabibilang sa daliri ang mga opisyal at mambabatas na nagsilbi sa bayan na hindi nasangkot sa katiwalian, at isa na riyan si Flavier.
Hindi naman kataka-taka ito dahil sa kanyang pagiging simpleng tao at payak na paraan ng pamumuhay. Dahil laki sa hirap at matagal nagsilbi sa kanayunan, hindi raw ninais ni Flavier na bigyan siya ng magarbong pagsalubong sa mga dinadaluhang pagtitipon.
Minsan ding lumutang ang pangalan ni Flavier na maging kandidato sa pangulo ng bansa pero sadyang hindi yata iyon laan sa kanya. Matapos ang kanyang termino bilang senador noong 2007, hindi na pumasok sa pulitika si Mamang Maliit at tahimik na lamang na nagpatuloy sa pagsisilbi sa publiko sa paraan ng sibikong gawain.
Kahanga-hanga ang mga taong katulad ni Flavier na tapat na ginugol ang buhay sa pagsisilbi sa kanyang kapwa. Maliit man siyang tao, napakalaki naman ng kanyang puso. May kasabihan na hindi mahalaga kung gaano ka katagal nabuhay sa mundo, kung hindi kung papaano ka namuhay sa mundo.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov0514/edit_spy.htm#.VFlP_2davFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment