Wednesday, October 29, 2014
Ang arogante at ang pasensiyoso
Ang arogante at ang pasensiyoso
Dapat lang na magsisi at mag-sorry ang German national na si Marc Sueselbeck sa ginawa nitong pag-akyat sa bakod ng kampo militar ng Pilipinas, at ang halos pagbalibag sa sundalong bantay na mas maliit sa kanya na si Technical Sergeant Mariano Pamittan.
Kahit humingi na ng paumanhin si Sueselbeck sa kanyang ginawang pag-ober-da-bakod sa Camp Aguinaldo kung saan nakadetine ang Amerikanong sundalo na si Private First Class Joseph Scott Pemberton, pinigilan pa rin siya ng Bureau of Immigration na makaalis ng bansa noong Linggo dahil sa kinaharap niyang reklamo ng pagiging “undesirable alien”.
Matatandaan na inakyat nina Sueselbeck at Marilou Laude ang bakod ng Camp Aguinaldo para daw makaharap si Pemberton na inaakusahang pumatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude. Si Jeffrey ay kasintahan ni Sueselbeck at kapatid naman ni Marilou.
Kahit pa sabihin na bugso ng damdamin at matinding emosyon ang nagtulak sa dalawa para akyatin ang bakod ng isang kampo militar, kailangan pa rin naman nilang harapin ang batas at patakaran na kanilang nilabag. Sa totoo lang, baka kung sa ibang lugar o bansa iyon ginawa ng dalawa, baka batuta o taser gun ang inabot nila.
Lalong hindi dapat palampasin ng pamahalaan itong napakalaking si Sueselbeck na kitang-kita sa mga news video na halos ibinalibag ang nakaunipormeng sundalo na si Pamittan. Hindi na niya iginalang ang patakaran ng kampo, hindi pa niya iginalang ang isang sundalo ng bansa.
Masuwerte sina Sueselbeck at Marilou dahil naging pasensiyoso at mahinahon ang mga sundalong bantay. Marahil ay naisip na rin ng mga sundalo ang pinagdadaanan ng dalawa kaya pinalampas na lang nila ang pambabastos ng mga ito sa kanila.
***
Dahil sa ginawa nina Sueselbeck at Marilou, may pumuna tuloy na nagmistulang “circus” ang eksena sa kampo kung saan nakadetine si Pemberton. Pinipilit ng mga militante na makuha ng pamahalaan ng Pilipinas ang kostudiya ng dayuhan, pero papaano magtitiwala ang US government na ibigay ang pangangalaga sa kababayan nilang dayuhan kung hindi magagarantiyahan ang kaligtasan nito para humarap sa paglilitis?
Kung napahamak o naaksidente sina Sueselbeck at Marilou, walang ibang dapat sisihin kundi ang mga kasama nilang abogado. Sila ang nakakaalam sa batas kaya dapat nilang pinaalalahanan ang kanilang kliyente sa magiging pananagutan nila kapag nilabag nila ito.
Kung may nahulog sa dalawa sa inakyat nilang bakod at nabalian sila ng buto, o kaya naman ay naging sobrang dahas nila na magtutulak sa mga bantay na sundalo na saktan sila -- aba’y sino na naman ang sisisihin, ang gobyerno?
Kaya naman dapat lang na parangalan si Pamittan sa ipinamalas niyang propesyunalismo at mahinahon. Dahil kung sinabayan niya ng dahas ang ginawa ng dayuhan at makikita ng buong mundo kung sakaling nasaktan niya si Sueselbeck, hindi natin alam kung ano ang magiging reaksiyon at pagtingin ng mundo.
At itong si Sueselbeck, dapat lang na hindi pinayagan na makaalis at paharapin sa kasong isinampa sa kanya kahit pa na ang magiging parusa ay ipa-deport siya at hindi na payagang makabalik sa bansa.
Hindi naman puwede na gagawa ang isang dayuhan ng kasalanan sa bansa, magso-sorry at basta na lang aalis -- ang suwerte naman niya kung ganoon.
Kailangang ipakita sa mundo ng pamahalaan ng Pilipinas na may batas na umiiral sa bansa at mananagot ang mga may kasalanan. Ganito rin ang katiyakan na ibinigay naman ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kaso ng pinaslang na si Jeffrey na paiiralin ang gulong ng hustisya para makamit nito ang katarungan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2914/edit_spy.htm#.VFAU8mdavFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment