Magkaisa kay Papa!
Marahil ay
magiging maganda ang 2015 sa ating mga Pinoy dahil magmimistulang pagbasbas sa
Pilipinas ang gagawing pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa unang buwan ng
darating na taon.
Gaya ng inanunsyo ng mga namamahala sa pagbisita ng Santo Papa, darating siya sa bansa sa Enero 15 mula sa Sri Lanka, at aalis naman pabalik sa Vatican sa Roma sa Enero 19.
Sa halos limang araw niyang pananatili sa bansa, 11 event ang kanyang dadaluhan. Gayunman, dalawa lang sa mga ito ang magiging bukas sa publiko, at ang ibang pagtitipon ay mayroong mga imbitasyon gaya ng pakikisalamuha niya sa ilang piling pamilya sa Leyte at maging sa Mall of Asia sa Pasay.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang mga pagtitipon na bukas sa publiko ay ang mga misa na gagawin ni Pope Francis sa Tacloban City airport sa Leyte sa umaga ng Enero 17 at sa Luneta Park sa Maynila sa ganap na 3:30 pm sa Enero 18.
Inaasahan na milyun-milyong deboto (huwag naman sanang makisabay ang mga lasing na pasaway na debote) ang pupunta sa Luneta sa misa ng Santo Papa sa Luneta gaya ng nangyari noong magmisa ang namayapang Santo Papa at ngayo’y St. Pope John Paul II noong 1995 sa World Youth Day.
Tiyak na dadagsain din ng mga tao ang mga lugar na pupuntahan ni Pope Francis, kabilang na ang kanyang mga motorcade. At para matiyak ang kaligtasan ng Santo Papa at maging ng publiko laban sa mga nais maghasik ng kaguluhan, natural lang at dapat na unawain ng publiko kung maging mahigpit man ang pamahalaang Aquino sa mga ilalatag na seguridad.
Kabilang na siguro sa mga dapat unawain ay kung magdeklara ng holiday o walang pasok sa mga lugar na pupuntahan ng Santo Papa upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko, at mabigyan din ng pagkakataon ang mga deboto na nais magtungo sa mga aktibidad ng Papa na bukas sa publiko.
***
Nauna nang inihayag ng Palasyo na pinag-aaralan nila ang bagay na ito lalo pa’t papatak ang pagdating ng Santo Papa sa bansa sa araw na may pasok -- Huwebes (Nov. 15), at ang misa niya sa Luneta ay Sabado (Nov. 18).
Ngunit maliban sa pagtiyak sa seguridad ng Santo Papa habang nasa bansa, dapat mag-ingat din ang publiko sa mga magsasamantala at makakaisip na gumawa ng pera. Nagbabala na ang Simbahang Katolika laban sa grupong nagbebenta ng tiket para makadalo sa mga aktibidad ni Pope Francis sa bansa.
Bagaman may mga pagtitipon na pinadalhan ng imbitasyon ang mga taong dadalo, huwag na sanang magpilit ang iba na makasama. Kung nais kasi ni Lord na makasama kayo, aba’y tiyak na gagawa siya ng paraan kahit hindi ka na gumastos at magpauto sa mga manloloko.
Kung may malalaman naman na mga taong gumagawa ng ganitong kabulastugan, lalo na kung nagpaplano ng masama sa Santo Papa at kaligtasan ng mga tao, dapat lang na ipagbigay-alam kaagad sa kinauukulan.
Pero paalala rin ng pulisya, dapat maghinay-hinay ang publiko at huwag basta maniniwala sa mga mababalitaang banta sa seguridad sa pagbisita ni Pope Francis dahil baka ang pakay ng nagpakalat ng maling impormasyon ay manabotahe lamang.
Minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon na bumibisita ang lider ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.
At bilang tanging bansa sa Asya na Kristiyano, dapat magkaisa ang mga Pinoy, at makiisa kay PNoy para maging matagumpay at masaya ang pagdalaw sa bansa ni Pope Francis, at hindi mauwi sa isang trahedya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment