Wednesday, November 19, 2014
Pabilisin ang usad
Pabilisin ang usad
Gugunitain sa ika-23 ng Nobyembre ang ika-limang anibersaryo ng Maguindanao massacre na kumitil sa buhay ng 57-katao -- kabilang ang 35 mamamahayag. Limang taon mula nang maganap ang karumal-dumal na krimen, mukhang malabo pa ring makamit ng mga biktima ang katarungan dahil sa mabagal na pag-usad ng paglilitis sa korte.
Ngunit tama bang isama si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa sisi kung nagiging mabagal ang usad ng paglilitis sa Maguindanao massacre case? Ang kaso kasi ay nasa korte na -- na sangay na ng Hudikatura na pinamumunuan ngayon ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. At dahil sa prinsipyong “separation of power”, hindi naman maaaring manghimasok ang Ehekutibo na kinabibilangan ni PNoy para diktahan ang trabaho ng korte na bilisan ang pagdinig sa kaso.
Ang maaari lang sigurong gawin ni PNoy ay makiusap at umapela sa Hudikatura na bilisan ang proseso ng paglilitis, o kaya naman ay atasan ng pangulo ang grupo ng prosekusyon na saklaw ng Department of Justice (na sakop ng Ehekutibo), na gawin ang lahat para matiyak na mapaparusahan ang mga sangkot sa masaker.
Sa pinakabagong survey kasi ng Social Weather Station (SWS) sa satisfaction rating ng administrasyong Aquino, umangat ang marka nito sa “good” +35 nitong September mula sa “moderate” +29 noong June. Pero kapuna-puna lang na “poor” -36 ang marka ng administrasyon sa isyu ng pagpapataw ng hustiya sa Maguindanao massacre case.
Kung tutuusin, maraming dahilan kaya tumatagal ang pag-usad ng kaso, isa na rito ang dami ng mga taong sinasabing sangkot sa masaker na umaabot sa 196-katao. Pangunahing akusado sa krimen ang mga kilalang politiko sa Maguindanao na kinabilalangan ng dating gobernador na si Andal Ampatuan Sr., at kanyang mga anak na sina Andal Jr, Rizaldy, at Sajid.
Isipin na lang natin kung ilang taon ang inaabot bago makapagdesisyon ang korte sa isang kaso ng pagpatay na may isang biktima at dalawa o tatlo ang akusado, papaano pa kaya ang Maguindanao massacre na may 57 biktima at 196 ang akusado?
Mantakin pa ang inaasahang 147 testigo na ipipresinta o ipatatawag ng panig ng prosekusyon sa korte, habang ang panig ng depensa ay sinasabing maghaharap ng kanilang may 300 testigo. Aba’y 365-araw lang mayroon sa isang taon para kukulangin ang isang buong taon para maisalang sa korte at madinig ang testimonya ng may 447 testigo.
***
Bukod pa riyan, hindi naman araw-araw ang paglilitis ng korte. At kung sakaling matindi o importante ang testimonya ng saksi, baka ilang beses pa siyang ipatawag para sa cross examination. Hindi pa kasama riyan ang presentasyon ng mga ebidensiya at kung anu-ano pang anik-anik sa mga paglilitis na kung anu-anong mosyon para maging “slow motion” ang pag-usad ng kaso.
Tandaan din na ang pamilyang Ampatuan ay isang maimpluwensiya at mayamang pamilya na kayang umupa ng de-kalibreng abogado na alam ang mga “pasikut-sikot” ng batas. Hindi rin naman siguro puwedeng balewalain ng hukom ang mga mosyon ng depensa lalo na kung may basehan naman dahil baka paghinalaan siyang may pinapanigan.
Noon ngang Oktubre, nagpahayag ng pangamba ng panig ng prosekusyon na baka patuloy pang maantala ang paglilitis sa kaso dahil may akusadong nagpalit ng abogado. At maging ang hanay ng prosekusyon ay mayroon ding nangyayaring mga intriga na sana lang ay hindi makaapekto sa kanilang trabaho bilang kasangga ng mga biktima.
Sa huli, kahit batid natin na ang kasabihang “justice delayed is justice denied”, sadyang pambihira ang kasong ito dahil sa sobrang dami ng biktima, mga akusado, at ipatatawag na testigo. Pero ang higit na mahalaga ay matiyak na magkakaroon ng wakas ang paglilitis at mabibigyan ng katarungan ang mga biktima -- na sana lang ay hindi abutin ng panibagong lima pang taon na anibersaryo ng masaker.
Kumilos sana ang sangay ng pamahalaan na dapat kumilos para kahit papaano ay bumilis kahit bahagya ang usad ng pagdinig sa kaso.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov1914/edit_spy.htm#.VGvFLmdavFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment