Monday, November 17, 2014

Nakatutok!



                                                                          Nakatutok! 
                                                                       REY MARFIL

Magandang balita ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang karagdagang P8 bilyon sa National Housing Authority (NHA) para sa konstruksiyon ng permanenteng pabahay sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ginawa ang kautusan matapos ipalabas ng DBM ang P11 bilyon noong Oktubre 20 para sa katulad na layunin na inihayag ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Sec. Panfilo ‘Ping’ Lacson kamakailan.

Kukunin ang P8 bilyon sa 2014 Rehabilitation and Reconstruction Program (RRP) kaya aabot na sa P19 bil­yon ang kabuuang halaga na naipalabas para sa pabahay ng mga nabiktima ng Yolanda.

Sa direktiba ni PNoy, pangunahing layunin ng pamahalaan na maibalik sa normal ang mga komunidad at lumakas ang katatagan ng mga tao sa pagharap sa mga sakuna.

Hindi lamang pabahay ang maidudulot ng pondo, matitiyak din ang pagkakaroon ng mga biktima ng matibay at permanenteng tirahan para makaligtas sa mga posibleng sakuna sa hinaharap.

Gagamitin ang P19 bilyon sa mga sumusunod na rehiyon para sa konstruksiyon ng 64,982 na mga bahay; Region IV-B (Palawan) 708 bahay, P207 milyon; Region V (Masbate) 102 bahay, P29.9 milyon; Region VI (Capiz, Antique, Iloilo, Aklan, at Negros Occidental), 24,481 bahay, P7.14 bilyon; Region VII (Cebu) 6,292 bahay, P1.84 bilyon; Region VIII (Eastern Samar, Biliran, at Leyte), 33,399 bahay, P9.78 bilyon.

Bukod sa pagbuo ng matibay at permanenteng taha­nan, higit ding importante ang isinusulong ng administrasyong Aquino na “Build Back Better” na istratehya para buuin ang mga komunidad sa isang ligtas na lugar at hindi sa tinatawag na danger zones.

Layunin din ng pamahalaan sa Build Back Better na magkaroon ng matibay na imprastraktura at mas mabu­ting oportunidad para sa mga tao sa itatayong komunidad.

Kasama riyan ang pagkumpuni sa nasirang mga kalsada para magkaroon ng mabilis na biyahe ang mga produkto at maitayo rin ang mga silid-aralan.

Asahan natin ang mas positibo pang mga pagbabago sa ilalim ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino.

***

Ginawa ni PNoy ang lahat ng makakaya nito para tulungan ang mga naapektuhan ng nakaambang pagputok ng Bulkang Mayon at ipagpasalamat sa Lumikha na hindi natuloy ang pagputok.

Hindi man sumabog ang bulkan, iniutos ng Pangulo sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P61.5 milyon para sa pangangailagan ng Albay provincial government sa pagtugon sa kalagayan ng evacuees.

Kumpiyansa rin ang Pangulo sa grupo ni Albay Gov. Joey Salceda na magagawa nito ang lahat ng kaparaanan sa tulong ng suporta ng pambansang pamahalaan upang protektahan ang evacuees.

Dahil patuloy ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayo­n nakaraang ilang linggo kaya inilikas sa ligtas na mga lugar ang mga residente sa gilid nito.

Bagama’t humupa, posible pa ring sumabog ito dahil sa presensiya ng magma sa crater at ilang naitalang pagyanig sa nakalipas na mga linggo na iniulat ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Tinitiyak ng pamahalaan sa publiko na kayang suportahan ng pambansang badyet ang katulad na problema sa Bulkang Mayon.

Mayroong sapat na pondo ang pamahalaan sa NDRMM at Quick Response Funds para matiyak ang kahandaan sa mabilis na pagtugon sa mga sakuna.

Sa parehong update ng NDRMMC, umabot sa kabuuang P165 milyon ang halaga ng ayuda na naipagkaloob sa iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan katulad ng Departments of Social Welfare and Development (DSWD) at Health (DOH), kasama maging ang Philippine Red Cross, isang non-governmental organizations, at mga pribadong sektor.

Sa ilalim ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy asahan nating mabibigyan ng suporta at matutugunan ang pangangailagan ng evacuees.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov1714/edit_spy.htm#.VGka52davFw


No comments: