Wednesday, November 12, 2014

Hindi nakatatawang biro






                                                              Hindi nakatatawang biro  
                                                                     REY MARFIL



Puspusan ang ginagawang pag-iingat ng pamahalaang Aquino para mapangalagaan ang kanyang mga “boss” na mamamayang Pinoy laban sa kinatatakutang Ebola virus na patuloy na kumikitil ng buhay sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa West Africa.

Pero sa kabila ng pagseseryoso ng gobyerno laban sa virus, may mga kolokoy na ginagawang biro o kung hindi man ay nagagawa pang manloko ukol sa pandaigdigang problemang ito.

Milyun-milyon ang inilaan na pondo ng pamahalaan para sa paghahanda sakaling makapasok sa bansa ang Ebola. Mala-Jaworski ang pagbabantay ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para masuring mabuti ang mga dumarating sa mga airport na galing sa mga bansa na may kaso ng Ebola.

Para mapahusay ang monitoring, kailangan ang mga gamit tulad ng thermal scanner upang makita kung may lagnat ang mga dumarating na pasahero na isa sa mga sintomas ng virus. Kailangan din ng mga dagdag na protective gear ng ating mga health worker para masiguro rin ang kanilang kaligtasan at hindi sila mahawa ng virus.

May mga inihanda na ring mga ospital at mga lugar na pagdadalhan ng mga taong paghihinalaan na taglay ang virus. Kailangan kasing mailayo sa tao ang paghihinalaan na may Ebola para mapigilan ang pagkalat nito. Kailangan din na mabilis na makilala at makuha ang mga taong nakasalamuha ng mga taong paghihinalaan na may virus upang maisama sila sa quarantine o 21 oras na obserbasyon bago malaman kung taglay nila ang virus.

Isang halimbawa kung gaano sineseryoso ng pamahalaang Aquino ang usapin ng Ebola ay ang gagawing pag-quarantine ng 21-araw sa 108 Pinoy UN peacekeepers natin na magagaling sa Liberia, isa sa mga bansa na may mga kaso ng virus.

Pagdating ng mga Pinoy UN peacekeepers, hindi muna nila makakapiling ang kanilang pamilya at sa halip ay mananatili muna sila ng 21-araw sa Caballo Island (malapit sa Corregidor) upang matiyak na libre talaga sila sa virus. Gagawin ito kahit pa nagnegatibo na sila sa isinagawang Ebola test ng UN at itinuturing “no risk” category ang lugar na pinostehan nila sa Liberia.

Ang lahat ng iyan ay bahagi ng tinatawag na “precautionary” measures ng pamahalaan upang manatiling Ebola-free ang Pilipinas. At dahil papalapit ang Kapaskuhan, umaasa ang pamahalaan na magsasagawa rin ng kanilang sariling pag-iingat at self-quarantine ang mga OFW o balikbayan na uuwi sa Pinas na galing sa mga bansa na may kaso ng Ebola.

***

Hindi biro ang Ebola pagdating sa pagiging deadly nito at bilis ng panghahawa. May mga insidente na ang mga health worker, doktor at nurse, na kahit balot na balot ng kanilang protective gear ay nagawa pa ring mahawa ng virus. Sa bilang ng World Health Organization, aabot na sa 9,000 katao ang naapektuhan ng virus at ma­laking bahagi nito ay nasa West Africa.

Ang matindi pa, nasa mahigit 4,000 katao na ang namatay dahil sa virus. Kaya naman hindi nakakatawa kung may mga taong walang magawa at magkakalat ng maling impormasyon sa pamamagitan ng Internet o kahit sa text message tungkol sa virus na umano’y nakarating na sa Pilipinas at may mga naka-quarantine.

Ang National Bureau of Investigation, inaalam na kung sino ang pinagmulan ng “hoax” o mapanlokong impormasyon na kumalat sa Internet na nagsabing mayroon ng 18 kaso Ebola virus sa Quezon City.
Ang natu­rang impormasyon ay itinanggi ng Department of Health.

Gaya ng sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, dapat lang talagang maparusahan ang mga taong inaakalang nakakatawa ang ginagawa nila, pero sa totoo lang ay naghahasik ng takot at magdudulot ng panic sa iba.

Malalaman lang kasi ng mga kolokoy na ito na hindi nakakatawa ang kanilang ginawa kapag sila ay nahuli at humihimas na ng malamig na rehas kasama ang mga lalaking burdado ang katawan na malagkit ang tingin sa kanilang likuran.
 Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter:follow@dspyrey)

 http://www.abante-tonite.com/issue/nov1214/edit_spy.htm#.VGKBYmdavFx

No comments: