Monday, October 13, 2014
Ang mga ‘boss’ ang magpapasya!
Ang mga ‘boss’ ang magpapasya!
Rey Marfil
Mahigit limang taon na ang nakalilipas nang manawagan at makinig siya sa mga mamamayang “boss” ng noo’y senador pa lamang na si Noynoy ‘PNoy’ Aquino para tumakbo siyang pangulo ng bansa sa gaganapin pa lamang na 2010 national elections. Kaya naman hindi kataka-taka kung ipaubaya pa rin ni PNoy sa kanyang mga “boss” ang magiging desisyon niya sa usapin ng posibleng ikalawa nitong termino.
Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, isang beses lang maaaring manungkulan ang pangulo ng bansa sa loob ng anim na taon. Kaya naman kahit may mga nagsusulong na ngayon na tumakbong muli si PNoy sa 2016 presidential election para sa ikalawa niyang termino ay hindi mangyayari dahil magiging labag iyon sa bansa.
Kilala si PNoy na masunurin at tagapagpatupad ng batas. Kung batas trapiko nga lang ay ayaw niyang labagin at tumitigil sa red ng traffic light ang convoy ng kanyang mga sasakyan, iyon pa kayang nakasaad sa Konstitusyon na nabuo sa panahon ng namayapa niyang mahal na ina na si dating Pangulong Cory Aquino, ang lalabagin niya? Siyempre hindi.
Pero gaya nang nasabi ni PNoy, bukas siya at handa siyang makinig sa anumang magiging pasya ng kanyang mga “boss” na mamamayang Filipino sa usapin ng ikalawang termino. Kung magiging malakas at higit na nakararami ang mga magnanais na manatili siyang lider ng bansa para magpatuloy ang reporma laban sa katiwalian at pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas, aba’y bilang lider ng bansa ay marapat lang siguro na sundin niya ang mga tao at gumawa siya ng paraan upang maging legal ang pagtakbo niya muli sa posisyon bilang pangulo kung kakailanganin.
Habang ang ating mga mambabatas na silang gagawa ng batas para maamyendahan ang Saligang Batas, dapat din sigurong sumunod at gumawa ng paraan upang mapagbigyan ang magiging panawagan ng mga mamamayan na kanila rin namang “boss”. Pero ang lahat ng iyan ay kung magiging malakas ang tinig ng publiko na hayaan na magkaroon ng ikalawang termino si PNoy.
***
Sa ngayon, may mga naniniwala na kakapusin na sa panahon ang Kongreso kapag ginalaw pa ang Saligang Batas o kung gagawin ang Charter change. Bukod kasi sa magiging debate sa Kongreso para maaprubahan ang mga susugang probisyon para alisin ang term limit ng pangulo, kailangan ding dumaan muna sa plebisito o pagsang-ayon ng mga “boss” ang anumang inamyendahang probisyon.
Kaya naman laging sinasabi ni PNoy na ang mga tao ang magpapasya para sa kanya tungkol sa usapin ng Charter change at sa posibilidad ng isa pang termino. Kasi, kung ipipilit lang basta ang ChaCha at pag-alis sa term limit, tapos mababasura din naman ito sa plebisito, aba’y sayang lang ang effort. Bukod pa diyan, sakaling payagan man na tumakbo muli si PNoy sa halalan pero iyon pala ay ayaw na sa kanya ng mga “boss” niya, siyempre, hindi rin siya iboboto at hindi rin siya magkakaroon ng ikalawang termino.
Sa ngayon, tila hindi pa lubos na malinaw o ‘di dapat sabihing “conclusive” o sumasalamin sa saloobin ng mga mamamayan ang pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey. Sa naturang survey, lumitaw na 62 percent umano ng kanilang 1,200 respondents ang ayaw sa ChaCha at term extension ni PNoy.
Dahil kung pagbabasehan naman ang isa pa nilang survey tungkol sa “trust” at “satisfaction” ratings ni PNoy, lumilitaw na mahigit 54 percent ng kanilang respondents ang nananatiling kumpiyansa sa pangulo.
Ibig sabihin, malaki pa rin o mahigit kalahati pa rin ng mga “boss” ang maaaring magsabing nais nila ng ChaCha at term extension ni PNoy sakaling makita nila na wala sa mga lumulutang na pangalan ng mga “presidentiables” sa 2016 elections ang maaari nilang pagkatiwalaan na magpapatuloy ng mga repormang napasimulan ni PNoy.
Katunayan, may iba’t ibang kampanya na sa mga social media na nagsusulong para sa ikalawang termino ni PNoy. Mayroon ding grupo na nangangalap ng lagda upang kumbinsihin ang pangulo na makinig sa kanyang mga “boss” para sa panibago niyang termino.
Sabi nga nila, ang anim na taon ay matagal para sa isang palpak na pangulo. Pero kung ang pangulo ay matino at nakagagawa ng paraan upang mapalago ang ekonomiya at maiahon sa hirap ang bansa, aba’y napakaigsi ng anim na taon. Ngunit kung talaga sigurong malakas ang sigaw ng mga “boss” para magkaroon ng isa pang termino si PNoy, aba’y may kasabihan din na “kung sadyang gugustuhin, may paraan.” At iyan ang dapat na abangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1314/edit_spy.htm#.VDryPlctefE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment