Monday, October 6, 2014
Hindi pambala ng kanyon!
Hindi pambala ng kanyon!
Nasa likod ng mga matatapang nating sundalong miyembro ng United Nations (UN) peacekeepers na umuwi sa bansa mula sa maaksiyong pagkakatalaga sa Golan Heights sa Syria, si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Matatandaan na napasabak sa mga rebelde sa Syria ang ating mga kababayan, na sa halip na purihin ay tinawag na “duwag” ng tumatayong lider doon ng UN Disengagement Observer Force o UNDOF.
Pero para kay PNoy, ginawa ng may 300 Pinoy peacekeepers ang nararapat nilang gawin nang sandaling lumusob sa kanilang lugar ang mga rebeldeng Syrian. Hindi sinunod ng mga kababayan natin ang utos na isuko sa mga rebelde ang kanilang armas, at sa halip ay naghanda sila sa posibleng pakikipaglaban para idepensa ang kanilang sarili.
Pero bago nito, nauna nang “napasuko” ng mga rebelde ang tropa ng mga Fijian peacekeeper. Inabot din ng ilang araw bago pinakawalan ng mga rebelde ang kanilang mga bihag.
Nais daw sana ng lider ng UNDOF na sundin ng mga Pinoy peacekeeper ang gusto ng mga rebelde na isuko ang kanilang armas para hindi raw malagay sa alanganin ang buhay ng mga Fijian na bihag. Pero hindi “bali” ang mga kababayan natin na bibitawan ang tanging sandata nila na magagamit para ipagtanggol ang kanilang buhay.
Sa dami ba naman ng mga patayan at massacre na nangyayari sa Syria, walang garantiya ang mga Pinoy peacekeeper na hindi sila papatayin ng mga rebelde. Aba’y kung ang mga kababayan nga nila ay hindi nila pinapatawad, ang mga dayuhan pa kaya sa kanilang lugar gaya ng mga Pinoy?
Kung sakaling naging bihag ang mga kababayan natin sa Syria, aba’y naging dagdag na problema sila sa UN para isabak sa negosasyon para palayain. Tiyak na magiging malaking problema din iyon sa ating gobyerno at magiging mahirap para magsagawa ng rescue mission sa napakalayong lugar.
Pero hindi iyon nangyari kaya naman bilib sa kanila ang Pangulo at binigyan sila ng pagkilala. Nararapat din ang pasya ng pamahalaan na ipagpaliban ang pagpapadala ng tropa sa Syria hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon sa nangyaring iyon ng pagsalakay ng mga rebelde sa tropa ng UN.
***
Malinaw ang pasya ni PNoy na dapat maging maliwanag ang misyon ng ating ipadadalang tropa sa ibang bansa at hindi iyong parang “mission impossible”. Batid ng Pangulo na kung naging hostage ang ating mga kababayan, lalong magiging kumplikado ang problema.
Ang ibang lider sa ibang bansa, tinawag na world-class ang mga sundalo natin. Bukod sa katapangan, dapat ding hangaan ang dedikasyon ng mga UN peacekeeper na nananatili sa Syria para tumulong sa pagpapatupad ng katahimikan sa magulong bansang iyon. Ang ibang bansa tulad ng Japan, Austria, at Croatia, ay inalis na ang tropa nila dahil sa lumalalang civil war.
Kung tutuusin, dapat ding imbestigahan ang lider ng UNDOF na si Lt. Gen. Iqbal Singh Singha, ng India. Inilagay sa alanganin ang buhay ng mga Pinoy peacekeeper sa utos niyang sundin ang mga rebelde na isuko ang armas. Kahit nga ang paliwanag na “don’t shoot” lang daw ang order ay kalokohan din.
Papaano kung pinagbabaril na ang mga kababayan natin sa kanilang puwesto, “don’t shoot” pa rin?
Bakit din kaya sila nakikipagnegosasyon sa mga rebelde na sinasabing may kaugnayan sa teroristang grupo?
Sa halip na tawagin na hindi propesyunal at duwag, dapat pasalamatan ni Singha at purihin ang ating mga kababayan dahil hindi na sila naging dagdag na problema sa pakikipagnegosasyon sa mga rebelde.
Kung ayaw ni Singha na mag-sorry, mag-resign na lang siya sa kanyang puwesto sa UNDOF.
Samantala, habang nandito ang ating mga Pinoy peacekeeper mula sa Syria, magiging abala muna sila sa pagsasanay at paghahanda dahil kasama sila sa mga magbibigay ng proteksyon kay Pope Francis pagdating nito sa bansa sa Enero 2015.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct0614/edit_spy.htm#.VDGy1VctefE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment