Friday, October 3, 2014
Maging responsableng amo
Maging responsableng amo
Man’s best friend ang tawag natin sa mga aso. Pero kapag napabayaan ito at hindi inalagaan, ang cute nating alaga, puwedeng maging bangungunot kapag nakakagat kahit pa nabakunahan ng anti-rabies.
Sa isang lungsod sa Metro Manila, nasa 15 asong gala sa kalye ang nahuhuli at dinadala sa city pound. Ang masaklap nito, sa nabanggit na bilang ng aso, 10 sa kanila ang isinasailalim sa “mercy killing” o pinapatay dahil hindi na kinukuha ng kanilang mga amo.
Ang kawawang si Bantay, pinabayaan ng amo, naging kalye ang bahay. Kung tutuusin, masasabi pang mapalad ang “askal” na mahuhuli at madadala sa city pound kahit pa sa mercy killing ang bagsak niya; kaysa naman sa kawali ng lasenggo siya mapunta at gawing kaldereta.
Hindi rin biro ang dami ng kaso ng mga asong nagiging biktima ng “dognapping” o “dog trafficking”.
Sila iyong mga aso na huhulihin sa isang lugar at kapag marami na ay ibibiyahe sila sa ibang lugar tulad ng isang lalawigan sa Luzon na kilalang sikat ang putaheng “azuzena”.
At least sa “mercy killing” hindi mararamdaman ng “askal” na patay na siya dahil binabakunahan lang sila ng pampatulog na wala nang gisingan. Ibang usapan naman iyong mga lokal na pamahalaan na nagtitipid sa pondo sa “mercy killing” ng aso. Kaysa gumastos sa bakunang pampatulog na walang gisingan, pinapausukan ng tambutso ang mga kawawang aso hanggang sa ma-high sa usok ng gasolina at mamatay.
Pero mas malala pa rin ang sasapitin ng aso kapag “tomador” ang nakakuha sa kanila. Tiyak na palo sa ulo ang aabutin nila o kaya matinding sakal para sila mamatay. Kung mamalasin pa ang aso, baka buhay pa sila ay gigilitan sila bago balatan upang kainin ang kanilang karne.
Ang puno’t dulo nito kung babagsak sa kanilang scenario o kapalaran ang aso ay kapabayaan ng kanilang amo. Puwede kasing aksidente silang nakawala sa kanilang kulungan, o kaya naman ay sadyang pinapakawalan ng amo para maka-ebak ang mga alaga sa ibang lugar dahil tamad na maglinis ng dumi ng alaga.
Hindi natin masisisi ang lokal na pamahalaan kung hinuhuli nila ang mga asong gala at pinapatulog ng walang gisingan. Hindi naman kasi biro kung papayagan lang silang gumala sa kalye at maging banta sa kaligtasan ng publiko kung makakakagat. Bukod kasi sa mahal ang gatos ng bakuna kontra rabies, matinding trauma rin ang iniiwan ng kagat ng aso sa magiging biktima nito.
***
Sa ngayon, may kampanya ang pamahalaan sa pagbabakuna sa mga aso para sa mithiing maging rabies free ang Pilipinas sa 2020. Bagaman nabawasan ang mga Pinoy na namatay dahil sa rabies noong 2013, dumami naman ang kaso ng mga nakakagat ng paborito nating alaga.
Mula sa 231 kaso ng namatay dahil sa rabies bunga ng kagat ng aso noong 2012, naging 187 kaso ito noong 2013. Mataas pa rin kung tutuusin lalo pa’t hindi biro at napakatindi ng pinagdadaanan ng isang namamatay sa rabies.
Ang mga nakagat naman ng aso at kailangang pabakunahan, libu-libong halaga ang kanilang gugugulin para sa bakuna at malabanan ang virus na dala ng rabies ng aso. Bukod sa sakit ng kagat, titiisin niya ang sakit ng ilang ulit na bakuna at trauma tuwing makakakita ng aso na puwede niyang dalhin habambuhay.
Samantala, umabot naman sa 522,420 ang insidente ng kagat ng hayop noong 2013, kumpara sa 410,811 noong 2012, ayon sa tala na rin ng National Rabies Prevention and Control Program ng Department of Health.
Hindi dapat maliitin ang usapin sa pagpapabaya sa mga alagang hayop. May buhay din sila na kinikitil kapag isinailalim sa mercy killing at ginagawang pulutan; at may mga tao na malalagay ang buhay sa peligro at napeperwisyo kapag nakakagat dahil sa naglipanang aso na pinabayaan ng kanilang iresponsableng amo.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct0314/edit_spy.htm#.VC2_xlctefE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment