Friday, October 17, 2014
Ano ang motibo sa pagsukat?
Ano ang motibo sa pagsukat?
Sa unang pagkakataon, isang survey ang ginawa at lumabas para sukatin ang pananaw ng publiko tungkol sa kampanya at pangako ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino tungkol sa “daang matuwid”. Ngunit maliban sa mga numero, ang isa pang mahalagang punto na dapat malaman dito ay kung bakit bigla yatang nagkaroon ng naturang uri ng survey na hindi naman ginagawa noon?
Sa naturang survey na ginawa ng Pulse Asia sa may 1,200-katao bilang respondents o kanilang tinanong mula Setyembre 8-15, lumitaw na 29% ng mga ito ang nagsabing naniniwala sila na natupad ni Aquino ang pangakong daang matuwid.
Pero mayroon namang 36% na nagsabing nabigo raw si PNoy sa pangako at 34% naman ang hindi nakapagdesisyon.
Ang tanong naman ng mga istambay sa kanto, sumasalamin ba sa katotohanan ang naturang survey para sa 100 milyong Pinoy kahit 1,200-katao lang ang tinanong? At kung tumpak ang survey, masasabi bang higit na nakararami ang naniniwalang binigo ni PNoy ang kanyang mga “boss” kahit may 34% ang hindi nakapagdesisyon?
Kahit ang mahina sa math, malamang na mag-alanganin na paniwalaan na higit na nakararami ang naniniwalang bigo si PNoy sa kanyang pangakong daang matuwid dahil sa 34% na hindi nakapagdesisyon.
Kung bibiyakin kasi ang 34% sa mga pabor at hindi, lilitaw na hati o kung hindi nakalalamang lang ng kaunti ang nagsabing bigo si PNoy sa kanyang pangako. Ngunit papaano naman kung iyong lahat ng 34% ay higit na pabor pala sa nagsasabing natupad ni PNoy ang kanyang pangako?
Subalit higit nga sa numero ng survey na ito na base lang sa perception o pananaw ng respondents, dapat ding sigurong pag-usapan ang motibo kung sino man ang nagpagawa ng survey. Tila alanganin kasi ang timing para ipasama sa survey ang tanong dahil may nalalabi pang mahigit isang taon sa termino ni PNoy para alamin sa publiko kung natupad ba o hindi ang pangako niyang daang matuwid.
***
Hindi tuloy maalis isipin ng mga istambay sa kanto na magtanong kung may nagnanais bang gamitin ang usaping ito para sa personal nilang interes politikal. Ang problema lang, bakit isasama nila si PNoy sa isyung politikal gayung hindi naman siya kandidato sa 2016 elections? O baka naman may naghahanda lang nito dahil sa lumulutang na posibilidad ng Charter Change at ikalawang termino ni PNoy? Hindi kaya?
Medyo malabo rin kung tutuusin ang tanong sa ginawang survey na “kung natupad ba ni PNoy ang pangako nitong tuwid na daan”. Dapat yata ay ginawang malinaw at eksakto ang tanong kung ang tinutukoy ba ay ang pamamalakad ni PNoy, o kasama ba ang mga pasaway na ilang opisyal na hirap maglakbay sa tuwid na daan?
Malamang kung tungkol mismo sa pamamahala ni PNoy ang tanong, tiyak na marami ang magsasabing natupad niya ang pangakong daang matuwid dahil wala siyang kinasangkutang katiwalian o alegasyon na nagbulsa siya ng pondo ng bayan. Pero kung tungkol sa ibang opisyal, batid naman natin ang mga naglalabasang tungkol sa mga kinakasuhan at iniimbestigahan.
Pero isang indikasyon na patuloy na pagtitiwala ang publiko kay PNoy ay ang hiwalay na trust at satisfaction ratings na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) na nagpakitang tumaas ang kanyang marka ng siyam na puntos.
Sa naturang survey na ginawa noong Sept. 26-29 na may 1,200 respondents din, 59% ang nagsabing satisfied sila sa pamamalakad ni PNoy, 25% ang hindi, para sa kanyang “good” net rating na +34. Mas mataas ito sa +25 na nakuha niya noong Hunyo.
Kung paniniwalaan ang Pulse Asia survey na nagsasabing higit na marami ang naniniwalang bigo si PNoy sa kanyang pangakong daang matuwid, papaano nangyari na lilitaw sa SWS survey ang nagsasabing higit na marami naman ang nasisiyahan sa trabaho ni PNoy?
Dahil perception o pananaw lang naman ang survey, puwede kayang isipin na higit na malaking bahagi ng 34% na hindi nakapagdesisyon sa survey ng Pulse Asia ay panig sa 29% na nagsabing naniniwala silang natupad ni PNoy ang kanyang pangakong daang matuwid? Ganu’n nga kaya?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1714/edit_spy.htm#.VEEM-xZWXps
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment