Wednesday, October 15, 2014
Maging handa sa banta!
Maging handa sa banta!
Sabi nga, malalaman mo ang sagot sa problema kung aaminin at aalamin mo na may problema. Kaya naman maituturing na panimulang hakbang sa paghahanda laban sa nakamamatay na Ebola virus ang pagtanggap sa katotohanan ng pamahalaang Aquino na may posibilidad na makapasok sa bansa ang kinatatakutang virus.
Sa ginanap na Western Pacific regional committee meeting ng World Health Organization (WHO) noong Lunes sa Pasay City, dumalo si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at inihayag niya na sa dami ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, hindi malayo ang posibilidad na makapasok sa Pilipinas ang Ebola virus.
Hindi biro ang Ebola virus, umabot na sa mahigit 8,000 katao ang tinamaan nito sa ilang bahagi ng mundo, pinakamarami sa West Africa. Sa nabanggit na bilang, mahigit 4,000 na ang nasawi at patuloy na tumataas ang bilang.
Pero hindi lang Ebola virus ang binabantayan at ipinapanalangin natin na huwag sanang makapasok sa Pilipinas na bitbit ng mga dumarating mula sa ibang bansa -- mga balikbayan man o turista. Mala-Jaworski rin ang ginagawang pagbabantay ng Department of Heath at iba pang ahensya sa mga paliparan para hindi rin makapasok sa atin ang isa pang deadly virus na Middle East Respiratory Syndrome coronavirus (MERS-CoV).
Kung may dapat man tayong ipagpasalamat o maging dahilan para magkaroon ng positibong pananaw, iyan ay ang magandang balita na nananatiling MERS-CoV free pa rin tayo. Aba’y sa dami ng mga kababayan natin na nagtrabaho sa Middle East at umuuwi sa atin, sadyang nakaamba lagi ang posibilidad na magkaroon ng unang kaso ng MERS-CoV sa atin.
Gaya na lang ng nangyari noong nakaraang buwan na isang nurse na galing sa Middle East ang inakalang may MERS-CoV. Naging abala ang mga kinauukulang ahensya sa pagsusuri sa nurse at sa mga nakasalamuha niya, at pati na sa mga nakasabay niya sa eroplano. At makaraan nga ng ilang linggong monitoring, nagnegatibo sa virus ang nurse at lahat ng mga sinuri.
***
Kung nagagawa nating mabantayan ang pagpasok ng MERS-CoV na galing sa bansa na higit na mas marami ang Pilipino, kumpara sa Ebola virus na ang pinakaapektado ay ang Africa, na mas kakaunti ang mga kababayan natin na nagtatrabaho, masasabi nating ginagawa ng pamahalaang Aquino ang lahat ng magagawa nito para mapangalagaan ang kaligtasan ng kanyang mga “boss”.
Pero hindi natin dapat ipaubaya lang sa pamahalaan ang pagkilos para manatiling MERS-CoV at Ebola free pa rin ang Pilipinas. Dapat siguro na ang mga kababayan natin na may kamag-anak o kaibigan na nagtatrabaho sa mga bansang apektado ng mga nabanggit na deadly virus ay makabubuting paalalahanan sila na maging maingat at sundin ang ipatutupad ng pamahalaan kung uuwi sila sa bansa.
Kabilang sa mga patakarang ito ay ang magkuha ng medical clearance bago sila umuwi. At kung nasa Pilipinas na, dapat ikulong muna nito ang sarili ng may hanggang tatlong linggo sa bahay o lugar na wala siyang mahahawahan, huwag munang gumala o mamasyal habang hindi natatapos ang pagsubaybay sa kanyang kalusugan.
Sa ngayon, nilagdaan ni PNoy ang executive order na bubuo ng inter-agency task force na mamamahala sa mga infectious disease sa bansa. Kailangan ito lalo na ngayon na magpa-Pasko at inaasahan na dadagsa ang mga kababayan natin na uuwi mula sa ibang bansa tulad ng Middle East at maging sa Africa.
May kasabihan na “there is always a first time”, na sana naman ay hindi mangyari sa usapin ng pagpigil natin sa virus. Pero magagawa natin ‘yang kontrahin sa pamamagitan ng isang paborito nating kasabihang “walang imposible” basta determinado.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1514/edit_spy.htm#.VD6Y-xZWXps
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment