Monday, October 27, 2014
Hindi sana sila ‘makuryente’
Hindi sana sila ‘makuryente’
Maghihinay-hinay raw muna ang Kongreso sa pagbusisi sa hinihinging emergency power ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino bilang paghahanda sa posibleng power crisis na maaaring mangyari sa 2015. Ito ay dahil sa paniwala ng ilang mambabatas na mas mababa daw ang pinapangambahang power shortage kaysa sa unang inakala ng mga opisyal.
Sa halip na mailatag na ngayong Oktubre, sa Disyembre na lang daw tatalakayin ng Kongreso ang resolusyon na magbibigay ng emergency power kay PNoy para mabigyan siya ng kapangyarihan na makapasok sa mga kontrata sa mga power generator company para sa dagdag na suplay ng enerhiya sa 2015.
Nagbago ang isip ng ilang mambabatas dahil sa paniwala nila na maiibsan at liliit ang problema sa power shortage dahil sa sistemang Interruptible Load Program (ILP) ng mga pribadong kumpanya. Dito, sinasabing sasandal din kahit papaano ang Department of Energy (DOE) sa generator sets ng mga malalaking kumpanya kapag tinamaan tayo ng krisis sa enerhiya.
Pero tanong ng ating kurimaw, papaano kung hindi umubra ang ILP? Papaano kung biglang magkaaberya ang power plant? Papaano kung maging higit sa inaakala ang krisis?
Sa paunang pagtaya ng DOE, baka abutin daw ng 21 hanggang 31 MW ang maging power reserve shortfall sa Abril 2015. Pero tiyak na inaasahang tataas at titindi pa ang pangangailangan sa enerhiya pagpasok ng summer kung saan busy ang pag-ikot ng mga electric fan at pagbuga ng malamig na hangin sa aircon sa init ng panahon.
Si Energy Secretary Jericho Petilla, nais sana na maaprubahan kaagad ng Kongreso ang emergency powers para kay PNoy dahil ang deadline sa pagpasok sa kontrata sa generator sets na magiging reserba sa posibleng krisis ay sa katapusan ng Oktubre.
Ang tanong na naman ng ating mga kurimaw, sino kaya ang sisisihin kapag nagkatotoo ang pangamba na rotating brownout sa Metro Manila ng tatlo hanggang apat na oras dahil sa power crisis? Sino ang mananagot kapag walang nailatag na reserba sa enerhiya?
***
Babala mismo ni PNoy, aabot sa P23 bilyon ang posibleng mawalang kita sa ekonomiya kapag nangyari ang limang oras na brownout na mangyayari sa loob ng tatlong buwan sa summer ng 2015. Kung tatagal naman ng dalawang oras ang brownout, aabot naman ang mawawalang kita ng ekonomiya sa P9.3 bilyon.
Hindi pa raw kasama diyan ang magiging epekto ng brownout sa turismo at magiging pamumuhunan ng mga negosyante. Aba’y idagdag na rin natin dito ang usapin ng kalusugan dahil tiyak na marami ang maiirita, iinit ang ulo, at mai-stress sa sobrang init. Hindi ba nakamamatay ang stress at sobrang init ng panahon lalo pa ngayon na may global warming?
Kaya naman binibigyan-diin ni PNoy ang kahalagahan na magkaroon ng reserbang enerhiya. Mas mabuti na nga naman na may reserbang nakatengga kahit hindi magamit, kaysa naman nangyari ang krisis at pagkatapos ay magsisisihan na naman dahil walang mapagkunan ng suplay ng enerhiya. Iyan ay kung hindi kaagad kikilos ang mga mambabatas at hindi nabigyan ng emergency power ang Pangulo.
Sana lang ay isangtabi ng mga mambabatas at mga opisyal natin kung mayroon man silang hindi pagkakaunawaan. Sana ay masusi nilang talakayin ang usaping ito ng power crisis. Tiyak na hindi nanaisin ng mga residente at negosyante sa Metro Manila ang nararanasan sa Mindanao na nagkakaroon ng ilang oras na rotating brownout dahil sa nangyaring krisis sa enerhiya sa rehiyon.
Kung anuman ang lumabas sa magiging masusing pag-uusap at talakayan ng ating mga mambabatas at opisyal, sana ito ay tumpak, tunay, tama at totoo, at hindi sana “kuryente”, -- na ang ibig sabihin sa media, “palpak”.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2714/edit_spy.htm#.VE1m42davFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment