Friday, October 24, 2014
Ibang usapin ang VFA sa Laude case
Ibang usapin ang VFA sa Laude case
Nakalulungkot ang sinapit ni Jeffrey “Jennifer” Laude na natagpuang patay sa isang motel. Ang sinasabing suspek sa krimen, ang sundalong Kano na naggu-goodtime sa Olongapo dahil ilang araw na lang ay aalis na sila sa bansa matapos maging bahagi ng joint military exercises ng mga sundalong Pinoy at Kano.
Sa ngayon, ang panig pa lang ng biktima ang lumalabas sa media base na rin sa testimonya ng isang saksi na kasama ni Laude na itinago sa pangalang “Barbie”. Ang testigong ito ang nagturo kay US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton na siyang pumaslang daw sa biktima.
Batay sa lumabas na mga balita, nagkita sa club ang grupo ng biktima at suspek, at humantong sa motel. Kung ano ang nagtulak o motibo ng suspek para patayin ang biktima, hindi pa malinaw dahil hindi pa nakukuha ang panig ng itinuturing na pumatay na si Pemberton.
Marami pang katanungan na naghihintay ng kasagutan at hindi ito dapat pangunahan ng mga walang partisipasyon sa pangyayari.
Pero bunga ng nangyaring krimen, nakaladlad na naman ang Visiting Forces Agreement o VFA ng Pilipinas at Amerika. Mistulang pating na nakaamoy ng dugo ang mga militanteng grupo na sumunggab agad sa panawagan na ibasura na ang VFA. Abalang-abala sila ngayon sa mga protesta at pag-atake sa pamahalaang Aquino at US na wala raw ginagawa para makamit ni Laude ang hustisya.
Ngunit kung anong ingay ng mga militante tungkol sa isyu ng VFA, hanggang ngayon ay tahimik pa rin sila sa ginagawang panghihimasok ng komunistang China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas. Bukod sa patuloy na nagtatayo ng mga istruktura at ginagawang artificial island sa pinag-aagawang West Philippines Sea, patuloy ang pagpapatrulya ng mga sasakyang pandagat ng China sa mga lugar na inaangkin ng Pilipinas.
Sa kabila ng mga banat ng mga militanteng grupo, nagdeklara na si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi dapat maapektuhan ng kaso ni Laude ang VFA. Para kay PNoy, ang mahalaga ay makalap ang lahat ng katibayan tungkol sa kaso at mapanagot ang may kasalanan.
Bagaman pabor naman si Speaker Feliciano Belmonte na dapat repasuhin o pag-aralan ang VFA, sinabi nito na hindi dapat sumawsaw ang kung sinu-sino sa usapin ng VFA na isang tratado at ang Malacañang at Senado ang may karapatang magpasya.
***
Tiniyak naman ni US Ambassador Philip Goldberg na lubos na nakikipagtulungan ang kanilang gobyerno sa nangyaring krimen at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng VFA, hindi lang sa usapin ng aksyong militar kung hindi maging sa pagtulong nila sa panahon ng kalamidad.
Hindi naman maikakaila na kabilang ang US sa mga unang dayuhan na sumaklolo at naghatid ng tulong sa mga kababayan natin na sinalanta ng bagyong Yolanda. At naging mabilis daw ang kanilang pagkilos bunga ng umiiral na VFA sa Pilipinas at US.
Sa totoo rin lang naman, taliwas sa alegasyon ng mga militante na hindi nakikipagtulungan ang US authorities sa kaso, sila mismo ang naglabas ng ilang larawan ng kanilang sundalo na pinagpilian ni “Barbie” kaya niya natukoy si Pemberton.
Tungkol sa kustodiya ng suspek, may kasunduan na dapat sundin ang Pilipinas at US alinsunod sa nilalaman ng VFA na dapat hintayin na lang kapag ganap nang umusad ang kaso. Kung saan man kustodiya mapunta si Pemberton, ang pinakadulo nito ay dapat humantong sa pagkakaroon ng hustiya; na hindi makakamit ng magkabilang panig kung pakikinggan lang ang mga hirit ng mga kritiko na ibasura ang VFA.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2414/edit_spy.htm#.VEl8PWdavFw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment