Wednesday, October 8, 2014
Na-wrong send kaya ang NTC?
Na-wrong send kaya ang NTC?
Marami ang nagulat, nagtaka, nagduda, at hindi makapaniwala sa lumabas na balita kamakailan tungkol sa panawagan ng ilang alagad ng Simbahang Katolika na dapat bumaba na sa puwesto si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil wala na raw itong “moral right” na pangunahan ang bansa bunga ng iba’t ibang alegasyon gaya ng katiwalian. Kaya ang tanong ng marami -- tamang presidente kaya ang tinutukoy nila?
Kung tutuusin, wala namang masama sa ginawang pagpapahayag ng pananaw ng ilang alagad ng Simbahan tungkol sa pamamalakad sa gobyerno. Kahit may umiiral na doktrina na “separation of Church and State”, maganda pa rin na bumato ng mga kritisismo ang mga alagad ng Simbahan para magsilbing tagapagbantay ng bansa lalo na sa usapin ng moralidad.
Pero hiling ng mga kababayan natin, sana lang ay iyong tamang puna, tamang puntirya at tamang panahon.
Hindi kasi makapaniwala ang marami sa naging panawagan ng grupo na kinabibilangan ng pitong Arsobispo at Obispo na tinawag na National Transformation Council o NTC, na wala nang karapatang moral si PNoy na pamahalaan ang bansa bunga ng ilang alegasyon tulad ng umano’y katiwalian sa paggamit ng Development Acceleration Program o DAP at katiwalian sa Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Tila nakabase lang ang paniniwala ng mga kasapi ng NTC sa mga banat ng mga bumabatikos sa DAP at hindi nila nakuha ang paliwanag ng Department of Budget and Management sa mabuting idinulot ng programa, hindi lang sa ekonomiya ng bansa, kundi maging sa mga lokalidad na nabiyayaan ng proyekto at programang napondohan ng DAP. Samantala, ang isyu ng PDAF ay nangyari sa ilalim ng termino ng dating pamahalaang Arroyo at ngayon ay isa-isang sinasampahan ng kaso ang mga mambabatas na lumilitaw na umabuso sa kaban ng bayan.
Kaya naman hindi maiwasan ng marami nating kababayan na mag-isip kung may basehan ba o dapat bang isisi kay PNoy ang nangyaring katiwalian noong panahon ni Mrs. Arroyo? Habang patuloy naman na hinaharap ni PNoy ang usapin ng katiwalian sa ilalim ng kanyang liderato.
***
Dapat nating tandaan na sa tagal ng panahon na tila naging bahagi ng kalakaran sa gobyerno ang katiwalian nang datnan ni PNoy, napakalalim ng pagkakabaon ng ugat nito na patuloy na hinuhukay ng kasalukuyang gobyerno para mabunot nang husto at hindi na tumubo pang muli.
Isa pa, higit na magiging malaking problema sa bansa kapag nagbitiw si PNoy at makasasama ito sa lumalagong ekonomiya, at gumagandang reputasyon ng Pilipinas sa buong mundo pagdating sa usapin ng paglaban sa katiwalian at katatagan sa pamahalaan.
Sabagay kung tutuusin, hindi lang naman ang pamahalaan ang naaakusahan ng katiwalian kundi maging ang Simbahang Katolika ay nadadamay din sa usaping ito.
Natatandaan n’yo pa ba ang kontrobersya ng pagtanggap umano ng ilang obispo ng mamahaling sasakyan mula sa pamahalaang Arroyo, at umano’y pagtanggap ng perang “donasyon”.
Buweno, kung iyon ang pananaw ng NTC na kinabibilangan nga ng may pitong matataas na opisyal ng diocese ng Simbahan, eh iginagalang naman daw iyon ng Malacañang. Pero malinaw daw na hindi naman kumakatawan sa mas nakararaming Pinoy ang pananaw na iyon ng NTC. Katunayan, maging ang liderato ng mas malaking samahan ng Simbahan na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ay nagpahayag na hindi posisyon ng CBCP ang inihayag ng NTC.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)http://www.abante-tonite.com/issue/oct0814/edit_spy.htm#.VDRV4VctefE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment