Monday, July 7, 2014
Kapahamakan sa Kapatiran
Kapahamakan sa Kapatiran
Isa na namang buhay na puno ng pangarap ang nasayang sa ngalan ng tinatawag na kapatiran.
Nagwakas ang buhay ng 18-anyos na si Guillo Cesar Servando sa kamay ng mga taong inaakala niyang masasandalan at magtatanggol sa kanya kaya sumapi siya sa fraternity.
Natagpuang wala nang buhay si Servando, sophomore sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), sa isang condo building sa Maynila noong Linggo. Puro pasa ang kanyang mga hita na pinaniniwalaang dulot ng mga hampas ng padel nang isailalim siya sa initiation ng sinalihang fraternity.
Tatlo pang neophyte na katulad ni Servando ang nailigtas at nagtamo rin ng mga matitinding pasa sa katawan matapos ding sumalang sa hazing. Nakapagtataka na patuloy itong nangyayari kahit may batas nang umiiral laban sa pagsasagawa ng pananakit o hazing sa mga sumasali sa fraternity.
At higit pang nakapagtataka, paulit-ulit itong nagaganap sa kabila ng mga nauna nang insidente ng pagkamatay ng ibang neophyte mula sa iba’t ibang grupo. Kabilang na ang kaso ng mga nasawing sina Marc Andre Marcos, Lenny Villa, Dennis Venturina at Marvin Reglos.
Ano nga ba ang nangyari sa mga kaso nila at tila hindi umuusad at walang napaparusahan kahit maraming taon na ang nakalipas? Dahil sa mabagal na pagdating ng hustisya, hindi maiwasan ng ilan na magduda na baka kumikilos ang mga maimpluwensyang “ka-brod” ng mga fraternity para maprotektahan at hindi makulong ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa hazing.
Kung may katotohanan ang ganitong hinala ng mga anti-crime group, aba’y dapat din namang isipin ng mga maimpluwensyang “ka-brod” ng frat na “ka-brod” na rin nila ang nasawing biktima dahil sumalang na ito sa initiation.
Siguro naman, mas dapat bigyan nila ng timbang ang pagpapatupad ng hustisya sa “ka-brod” nilang namatay, kaysa sa “ka-brod” nilang nabigong ingatan ang buhay ng dapat sana’y bago nilang miyembro na nagtiwala sa kanilang samahan.
***
Tulad na lang ng nangyari kay Servando, may mga nagsasabing posible pa siyang nabuhay kung idineretso siya sa ospital ng kanyang mga kasamahan sa frat sa halip na dinala sa condo building.
Batay sa mga lumabas na ulat, sinasabing Sabado naganap ang initiation sa grupo ni Servando. Pero sa mga ipinakitang video footages sa hallway ng condo building, nakita pang buhay si Servando habang may isang tao na tumatawag sa hotline ng Emergency 117 para madala sa pagamutan ang kawawang biktima.
Nagbigay na ng pahayag ang Malacañang na tinututukan ng mga awtoridad ang kaso ni Servando para mabigyan ito ng hustisya at mapanagot ang mga taong naging dahilan ng maaga nitong kamatayan. Maging ang pamunuan ng paaralan ay nangakong tutulong para sa ikalulutas ng kaso.
Ngunit higit sa lahat, marahil ay panahon na para bumaon ang pangil ng Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law. Kailangang may masampolan at maipakitang seryoso ang sistema ng hustisya ng bansa sa paggawad ng katarungan kahit gaano pa kaimpluwensya ang “ka-brod” ng mga nasasakdal... dahil “ka-brod” din naman nila ang biktima.
Panahon na rin para seryosohin ng mga nakatatanda sa mga fraternity na tuluyang ipagbawal ang hazing. Hindi nabubuo ang tunay na kapatiran sa pamamagitan ng pananakit sa mga taong nagtitiwala sa kanilang samahan.
Marami pang ibang paraan na puwedeng ipagawa sa mga bagitong sasapi para maipakita ang kanilang dedikasyon sa fraternity nang hindi na kailangang isugal pa ang kanilang buhay. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment