Friday, July 4, 2014
Kaliwa’t kanang proyekto
Kaliwa’t kanang proyekto
Asahan na natin ang karagdagang trabaho para sa mga Pilipino matapos aprubahan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang siyam na malalaking mga proyektong imprastraktura, transportasyon, suplay ng tubig, at pangangalaga sa kalusugan na nagkakahalaga ng P62.3 bilyon.
Inaprubahan ang mga proyekto ng National Economic Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni PNoy. Asahan nating magdudulot ng kaginhawaan ang mga proyekto na magkakaloob ng serbisyo sa maraming tao.
Kabilang sa inaprubahan ang P18.7 bilyong Kaliwa Dam project at P5.8 bilyong Angat Dam water transmission project na titiyak sa sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Kaliwa Dam project, itatayo ang isang dam na lilikha ng arawang 600 milyong litrong tubig kung saan may kakayahan ang water conveyance tunnel na saluhin ang dadaloy na arawang 2,400 milyong litro ng tubig bilang paghahanda sa konstruksyon ng Laiban Dam.
Sasakupin ng proyekto ang bahagi ng mga munisipalidad ng Tanay, Antipolo, at Teresa sa lalawigan ng Rizal at mga bayan ng General Nakar at Infanta sa Quezon. Ipatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) at sa ilalim ng build-lease-and-transfer (BLT) scheme.
Sa Angat Dam water transmission project naman na gagastusan ng $60 milyon mula sa hihiraming salapi sa Asian Development Bank (ADB), layunin nitong pagbutihin ang kakayahan at seguridad ng Angat raw water transmission system sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga koneksyon mula Ipo Dam patungong La Mesa treatment plant.
***
Hindi lang ‘yan, binigyan na rin ng basbas ng NEDA Board ang paglinang ng local water districts sa pamamagitan ng pagpapatulad ng mga proyekto ng Local Water Utilities Administrations (LWUA).
Inaasahang bubuti ang pasilidad at serbisyo ng 60 lokal na water districts sa buong bansa sa pamamagitan ng mga proyektong ito. Kabilang sa makikinabang ang Koronadal City; San Fernando City, Pampanga at 15 water districts sa Bulacan.
Inaprubahan din ang National Irrigation Administration (NIA) Malinao Dam improvement project sa Bohol na nagkakahalaga ng P653 milyon upang domoble ang naiipong tubig sa dam para sa pangangailangan sa irigasyon ng Bohol Integrated Irrigation System.
Inayunan din ng Pangulo ang implementasyon ng P10.6-bilyong Cebu bus rapid transit project na matatapos sa 2017 upang mabigyan ng solusyon ang mga problema sa transportasyon sa Cebu.
Ipatutupad ang programa sa tulong ng hihiraming pera sa Agence Francaise de Development (AFD) at International Bank for Reconstruction and Development-World Bank.
Maglalaan din ang administrasyong Aquino ng P4.1 bilyon upang mapabuti ang runway at maging moderno ang pasilidad sa paliparan ng Busuanga sa Palawan.
Asahan nating lalong bubuti ang turismo sa Palawan sa programang ito lalo’t 47 porsyento ang average na taunang inilalaki ng mga bumibiyahe sa Busuanga at Coron.
Kabilang din sa inaprubahan ang implementasyon ng LRT 2 operations and maintenance project na nagkakahalaga ng P16.5 bilyon upang mapalaki ang bilang ng mga mananakay at mapabuti ang serbisyo.
Kasama rin sa ipatutupad ang P1.2 bilyong Laoag airport road link project na magkakaloob ng mas mabilis na biyahe patungong Laoag international airport at Currimao port sa Ilocos Norte upang lalong bumuti ang negosyo at turismo doon.
Popondohan ang programa sa pamamagitan ng taunang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Palalawakin din at gagawing moderno ang Jose Fabella Memorial Hospital, pinakamalaking maternity care at birthing facility sa bansa, upang mapalaki ang kapasidad mula sa 447 kama patungong 800 na gagastusan ng P2 bilyon sa tulong ng pondo ng Department of Health (DOH).
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment