Monday, July 14, 2014

Isyung direkta sa sikmura



                                                           Isyung direkta sa sikmura
                                                                 REY MARFIL


Nitong nakalipas na mga araw, naging paksa ng mga ba­lita ang isyu ng impeachment at satisfaction ratings ng mga opisyal ng gobyerno. Pero hindi ba higit na dapat bigyan ng pansin ang sunud-sunod na pagkakabisto sa ilang warehouse na umano’y may nagaganap na milagro sa mga bigas na inilalagay nila sa sako, na bumabagsak sa ating pinggan at didiretso sa ating sikmura?

Ang mga kritiko ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nagpipista sa isyu ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang ilang probisyon ng Development Acceleration Program o DAP na ginamit para pasiglahin at palakasin pa ang ekonomiya ng bansa. Kasama rin dito ang ayuda sa ilang mambabatas para maipatupad ang kani-kanilang proyekto na makatutulong sa kanilang mga nasasakupan.

Linawin lang natin na hindi ang buong programa ang idineklarang unconstitutional ng mga mahistrado kung hindi ilang probisyon lamang nito. Iginiit din ng Malacañang na maganda ang layunin o “in good faith” ang ginawang pagsusulong ng programa. 

Ang pondo na ipinagkaloob sa mga mambabatas ay hindi para sa kanilang bulsa kung hindi para sa programa at proyekto para sa kanilang mga kababayan. Kaya naman ang mga mambabatas ang makapagpapaliwanag kung saan ginugol ang pondo.

Gayunman, may mga taong nais samantalahin ang pagkakataon at nakahanap ng dahilan para atakihin si PNoy. May mga humihirit na ipa-impeach ang Pangulo dahil daw sa DAP.

Pero teka, hindi naman kaya taktika ito ng mga taong nabawasan ng kita dahil sa kontra-katiwaliang programa na ipinatutupad ng administrasyong Aquino? Nais ba nilang mawala na agad si PNoy sa Palasyo para balik na uli sila sa paggahasa sa kaban ng bayan?

Alalahanin natin na ang Aquino government ang na­kabisto ng umano’y katiwalian sa paggamit ng pork barrel fund. At nangyari ang kalokohang ito bago pa maupong Pangulo si PNoy. 

***

Kung nagpatuloy man ang mga kalokohan nila kahit nakaupo na si PNoy, hindi naman sila tinatantanan ng gobyerno at patuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa kanila.

At ngayon, maging ang bagong resulta ng satisfaction ra­tings ng mga government official ay hinahanapan ng butas na paggiba kay PNoy kahit bahagya lang na nabawasan ang kanyang marka at tumaas muli si Vice President Jejomar Binay.

May mga nais mang-intriga sa pagiging mas mataas ng rating ng VP sa Presidente. Unang-una, ikinatutuwa ito ng Palasyo dahil bahagi ng pamahalaang Aquino si Binay bilang isang opisyal na may hinahawakang posisyon.

Ikalawa, tradisyunal, normal at karaniwan naman talagang mataas ang ratings ng VP sa Presidente. Ito’y dahil sa ang Presidente ang gumagawa ng mabibigat na pasya -- pati na ang mga hindi popular na pasya. Ikatlo, hindi naman siguro masyadong iniinda ni PNoy kung mabawasan man ang kanyang ratings dahil hindi naman siya kakandidato sa 2016 elections.

Pero kung tutuusin nga, may isyu na higit na dapat tutukan kasya impeachment at ratings; at ito ay ang mga nabibistong kalokohan daw sa ilang warehouse.

Sa ginawang mga pagsalakay nina Sec. Mar Roxas at Sec. Kiko Pangilinan, nabisto na may mga mangangalakal na inihahalo raw ang murang NFA sa commercial rice para ibenta nang mahal. Mayroon pang naghahalo umano ng bigas na para sa hayop sa mga commercial rice at NFA rice para madaya ang mga mamimili.

Hindi biro ang problema natin sa bigas dahil kamakailan lang ay napabalitang nagkakaroon ng posibleng cartel para mapataas ang presyo nito sa merkado. Nagsisikap ang ating pamahalaan na maging self sufficient tayo sa bigas para hindi na tayo umangkat pero may mga kolokoy na negosyante na nais pigain nang husto ang bulsa ng ating mga kababa­yan. Sila ang dapat mabisto at maparusahan.

Sa kabila ng mga ingay sa pulitika, nararapat lang na ipagpatuloy ni PNoy at ng gobyerno ang trabaho nito na protektahan ang kapakanan at interes ng mga mamamayan -- kahit pa magkalagas-lagas ang ratings nito kung sa ikabubuti naman ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: