Wednesday, July 9, 2014
‘Wag namang abusuhin ang demokrasya
‘Wag namang abusuhin ang demokrasya
May mahalagang okasyon kayo sa bahay o barangay, inimbitahan mo ang mga malalapit mong kamag-anak at kaibigan; pero sa gitna ng kasiyahan ay may biglang nanggulo na hindi naman imbitado... ano na lang ang mararamdaman mo?
Sa sitwasyong ito, gatecrasher ang tawag sa mga taong biglang sumusulpot sa mga pagtitipon na hindi naman imbitado. Ang masaklap pa, kadalasang sila ang pinagmumulan ng mga kaguluhan at nagdudulot ng kahihiyan sa mga naging punong-abala sa okasyon.
Ganito rin kung maituturing ang mga tinatawag na “heckler” o iyong mga nambubulabog sa mga pagtitipon o pagpupulong. Gaya na lang nang nangyari sa nakaraang pagtatalumpati ni Pangulong Noynoy Aquino III sa lungsod ng Naga at Iloilo.
Sa mga militante at aktibista, protesta ang tawag nila sa ganitong paraan ng pag-iingay habang may nagtatalumpati o may ginaganap na deliberasyon sa Kongreso o iba pang politikal na aktibidad. Pero sa ibang tutol sa ganitong paraan ng protesta, kabastusan at pag-abuso sa demokrasya ang tawag nila.
Hindi natin masisisi ang mga tutol sa “heckling” kung kabastusan o pagmamalabis sa demokrasya ang tingin nila dito. Kasi nga naman, tulad ng mga gatecrasher, hindi naman sila dapat na nasa lugar na iyon pero sila pa ang pagmumulan ng kaguluhan. Pero bakit nila iyon ginagawa? Dahil ba inaabuso nila ang umiiral ngayon na demokrasya?
Kung tutuusin, may tamang lugar at panahon para ipahayag ang saloobin ng bawat mamamayan kung mayroon silang hindi gusto sa gobyerno. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Aquino, makikita ang kalayaan na magprotesta sa mga lansangan.
***
Kapansin-pansin nga na tila dahil sa sobrang “tolerance” o pagbibigay na pinapairal ng mga awtoridad na makapagprograma ang mga demonstrador, sila pa ang gumagawa ng pagkilos para magkagulo at magkapaluan gaya ng pagsugod sa mga lugar na hindi naman nila dapat puntahan.
Ngunit bakit gusto ng mga nagpoprotesta ng kaguluhan? Bakit ginagawa nila ang “heckling” gayung puwede naman silang magsisigaw sa kalye? Dahil ba sa kailangan nila ng pansin at atensyon ng media kahit pa magmukha silang bastos?
Tanong kay Mang Gusting ng isang istambay sa kanto, may mga heckler din kaya noong panahon ng batas militar at nagawa kaya nilang guluhin nang lantaran ang nagtatalumpating diktador na pangulo? Aba’y kung mayroon man, baka raw hindi na iyon nakita pa nang buhay dahil nang mga sandaling iyon ay walang demokrasyang umiiral sa bansa.
Ang isang nanggulo sa Naga City habang nagtatalumpati si PNoy na itinaon pa sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ay pinalaya rin matapos na kasuhan ng pulisya ng alarm and public scandal na napakaliit lang ng multa.
Pinakawalan din matapos ilayo sa pagtitipon ang may tatlo kataong nanggulo sa talumpati ni PNoy sa Iloilo City habang pinasisinayaan ang mga proyekto na malaki ang pakinabang sa mga tao.
Sa dalawang insidenteng ito na kinasangkutan ng aktibista at militante, ngiti lang at “salamat” ang itinugon ng Pangulo. Kaya naman sino ang ipinahiya ng mga heckler? Makakakuha kaya sila ng simpatiya sa publiko sa ganitong paraan ng kanilang protesta?
Sa harap ng demokrasyang tinatamasa natin ngayon, hindi lang ang mga demonstrador at mga nagpoprotesta ang may kalayaan na magpahayag ng kanilang saloobin. May karapatan din naman ang iba na makadalo sa malayang pagtitipon at marinig ang mga sasabihin ng Pangulo, at hindi ito dapat guluhin ng mga taong hindi imbitado.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment