Wednesday, July 2, 2014

‘Wag mainip


                                                                     ‘Wag mainip  
                                                                     REY MARFIL

Hindi dapat mainip ang kinauukulan sa pagsusumite ng Malacañang ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso, mas mainam nang segurista keysa bara-bara at mabalewala ang lahat ng pinaghirapan kung sasalto ang legalidad.

Ang malinaw, nais lamang tiyakin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na tumutugon ito sa mga probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Sinisiguro rin ni Pangulong Aquino na makakapasa ang panukalang batas sa Konstitusyon upang masiguro ang wagas na kapayapaan sa Mindanao.

Inaasahan kasi talaga ng pamahalaan na mayroong ilang grupong kukuwestiyon sa legalidad ng panukalang batas sa Supreme Court (SC) kahit sabihin nating hindi naman sila kumokontra sa usapang-pangkapayapaan sa pangkalahatan.

Patuloy ngayong sinusuri ang BBL ng Office of the President and the Chief Presidential Legal Counsel -- ito ang dahilan kaya hindi pa naipapasa sa Kongreso ang BBL upang aprubahan.

Nilagdaan ang CAB sa Malacañang noong nakalipas na Marso 27 upang wakasan ang armadong pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

***

Magandang balita na natapos na ng panibagong grupo ng Pilipino nurses at caregivers ang pagsasanay sa lengguwahe at kultura ng mga Hapon sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) upang magkaroon ang mga ito ng magandang oportunidad sa ibayong-dagat.

Umabot sa kabuuang 186 na Filipino (36 nurses at 150 caregivers) na kinabibilangan ng 6th batch ng trai­nees, ang nakapagtapos noong nakalipas na Mayo 27 sa isi­nagawang seremonya ng Preparatory Japanese Language Training sa Women’s Center ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Taguig City.

Kabilang sa nanguna sa okasyon ang mga opisyal ng TESDA at matataas na mga opisyal ng Embahada ng ­Japan. Isinagawa ang pagsasanay sa tulong ng TESDA at Japan para magkaroon ng kaalaman ang ating mga kababayan sa kulturang Hapon upang makapagtrabaho ang mga ito.

Inaasahang makakatulong at magagabayan ang mga nagsipagtapos para makapasa sa Japanese Licensure Exa­minations matapos silang makapasok at makapag-trabaho sa Japan.

Tama si Secretary Joel Villanueva, TESDA Director General, sa pagsasabing walang kaduda-duda sa ga­ling at husay ng mga talentadong Filipino. Ngunit, importanteng maging maalam sila sa lengguwahe at kultura ng mga Hapon.

Kung makakapasa kasi sa pambansang pagsusulit doon, matitiyak ang maayos at permanenteng trabaho sa Japan ng ating mga kababayan bilang nurses.

Inaayunan ko si Villanueva sa pagsasabing napakalaki ng tiyansang magtagumpay ng ating mga kababayan na sumailalim sa pagsasanay sa programa.

Nagsimula ang pagsasanay noong Nobyembre 19, 2013 at natapos noong huling linggo ng Mayo at aalis patungong Japan ang mga nagsipagtapos sa Hunyo 2014 upang muling sumailalim naman sa panibagong anim na buwang pagsasanay sa lengguwaheng Hapon doon.

Nalaman kay Japanese Ambassador to the Philippines Toshinao Urabe, base sa isinagawang ebalwasyon ng Japan Foundation na 83.8 porsiyento ng mga kasama sa 2012 batch ang nakarating sa N4 Level proficiency ng Japanese-Language Proficiency Test standards matapos ang anim na buwang pagsasanay doon.

Ibig sabihin, nakakaunawa ang mga Pilipino ng pa­ngunahing mga lengguwaheng Japan sa ilalim ng N4 level.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: