Friday, July 25, 2014

Paglakas ng turismo


                                                               Paglakas ng turismo  
                                                                 REY MARFIL


Maganda ang estratehiya ng administrasyong Aquino sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT) kaya naman nagkakaroon ng impresibong pagsulong paitaas ang bilang ng bumibisitang mga dayuhan sa nakalipas na mga taon.

Umangat ng 10.3 porsiyento ang industriya ng turismo na nakapag-ambag naman ng anim na porsiyento sa ekonomiya ng bansa noong 2012 at nakapagtala ng 4.2 milyong trabaho.

Noong nakalipas na taon, umabot sa 4.68 milyon ang mga dayuhang dumating sa Pilipinas upang magbakasyon, 9.6 porsiyento itong mataas kumpara sa 4.27 milyon na naitala noong 2012.

Target nga ng DOT na maitaas sa 6.8 milyon sa katapusan ng taon ang mga dayuhang papasok sa bansa. Mapapatibay nito ang reputasyon ng Pilipinas bilang isa sa nangungunang puntahan ng mga turista sa buong mundo.

Sa katunayan, nagkaroon nitong Hulyo 9 ng grand launching ng Marco Polo Ortigas sa Pasig na mayroong P3 bilyong pamumuhunan.

Ipinapakita ng pamumuhunang ito ang malaking tiwala ng mga negosyante na maglagak ng kapital sa bansa lalo’t hindi biro ang 313-room na five-star hotel na ito ng Marco Polo Hotels sa Ortigas.

Ikatlo ang Marco Polo Ortigas sa Marco Polo Hotels na naitayo sa bansa matapos ang mga sangay nito sa Davao at Cebu at ikalawa ang Pilipinas kasunod ng China sa mayroong pinakamaraming Marco Polo Hotels sa buong mundo.

Talagang kayod-marino ang administrasyong Aquino para lamang matiyak na makakakuha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino sa tulong ng lalo pang umaasensong turismo.

***

Magandang balita rin ang karagdagang AU$12.2 mil­yong pondo na ipinagkatiwala ng pamahalaang Australian sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa konstruksyon ng tinatawag na early childhood care facilities sa bansa.

Sa ilalim ng grant, itatayo ng DSWD ang kabuuang 468 silid-aralan at day-care centers sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services-National Community-Dri­ven Development Program (KALAHI CIDSS-NCDDP).

Isang pinalawak na bersyon ang KALAHI CIDSS-NCDDP ng Kalahi-CIDSS na isang programa ng pamahalaan noong 2002 na inilunsad noong 2003 upang hanapan ng solusyon ang problema sa kahirapan sa mga ­pobreng komunidad gamit ang Community-Driven Development (CDD) approach.

Nakatutok ang CDD sa pagpapalakas ng kakayahan ng bawat indibiduwal at local government units (LGUs) na maiangat ang kanilang komunidad, mabigyan ng magandang oportunidad para mas maging maayos ang kanilang desisyon sa buhay.

Tinatayang 117 ang target na silid-aralan at day-care centers na itatayo sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.

Pinangunahan nina DSWD Secretary Corazon Juliano-Soliman at Australian Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) Deputy Secretary Ewen McDonald ang paglulunsad ng programa at groundbreaking ceremonies ng proyekto na popondohan ng grant.

Nagpapasalamat tayo sa pamahalaang Australian para sa karagdagang tulong sa isinasagawang rehabilitas­yon sa mga lugar na nasalanta ni Yolanda.

Kailangang patuloy na magtulung-tulong ang mga tao upang lalong mapabilis ang rehabilitasyon, partikular ang pagtatayo ng mga silid-aralan.

Bukod sa AU$12.2 milyong karagdagang grant, pinopondohan rin ng pamahalaang Australia ang kons­truksyon ng 626 day-care centers at silid-aralan sa mga komunidad na sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang Conditional Cash Transfer program ng bansa, sa halagang US$10 milyon noong 2012.

Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito para lalong matulungan pa sa mas mabilis na paraan ang mga lugar na binayo ni Yolanda.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: