Monday, July 21, 2014
Walang maitatago!
Walang maitatago!
Magandang balita ang paglaki sa koleksyon ng buwis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos maglagay ng bagong X-ray machines ang Bureau of Customs (BOC) doon.
Pinalakas ng X-ray machines ang kakayahan ng NAIA na matiktikan ang itinatagong mamahaling mga bagay na kailangang buwisan katulad ng mga alahas, magarbong mga relo, designer bags, hindi deklaradong banyagang salapi at maging ang ipinagbabawal na droga na nakatago sa mga maleta.
Bahagi ito ng kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na magbayad ng tamang buwis ang kinauukulan na magagamit naman upang suportahan ang mahahalagang mga proyekto para sa mahihirap.
Sa BOC-NAIA, nakapagtala ng P972,977.50 koleksyon sa mga buwan ng Mayo hanggang Hunyo 2014 mula sa obligasyon at buwis na binayaran ng mga pasahero matapos makita sa kanilang mga bagahe ang mamahaling mga bagay.
Kabilang diyan ang mamahaling mga relo, bultu-bultong electronic goods, halu-halong parte ng mga makina at alahas.
Nitong nakalipas na Mayo, apat na makabagong baggage Nutech X-ray machines ang ikinalat sa NAIA Terminals 1, 2 at 3 na unang bahagi pa lamang ng walong baggage X-ray machines na binili ng BOC ngayong taon.
Bukod sa NAIA, dalawang X-ray machines rin ang inilagay sa Mactan-Cebu International Airport: tig-isa sa Clark International Airport sa Pampanga at Kalibo International Airport sa Aklan.
Malaki ang naitulong ng anim na X-ray machines upang madaling mahuli ang mga tumatakas sa obligasyon sa pagbabayad ng buwis. Mabilis ring mailalabas ang mga bagahe ng mga pasahero para mapabuti ang paglalakbay ng mga pasahero.
Sa ilalim ng pamumuno ni PNoy, asahan nating bibili pa ang BOC ng mas maraming makabagong X-ray machines na ilalagay sa mga paliparan para lalong mapabuti ang serbisyo at mahuli ang mga umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
***
Hindi lang ‘yan, binabati rin natin ang BOC sa ginawa nitong pagkakaloob ng 3,915 piraso ng laptop computers sa Department of Education (DepEd) upang mapalakas ang kanilang computerization program.
Malaki ang maitutulong ng ipinamahaging laptops na magagamit sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya upang suportahan ang lalo pang paglinang sa pamamaraan ng mga guro sa pagtuturo at kaalaman ng mga estudyante.
Nakumpiska ang ipinamahaging ASUS laptops noong nakalipas na Disyembre dahil sa undervaluation at misdeclaration.
Sa donasyong ginawa ng BOC, sinuportahan nito ang Computer Training and Educators and Resource for Students (CompuTERS) Program ng DepEd na naglalayong bigyang-kaalaman sa larangan ng computer technology ang 20 milyong mag-aaral at mahigit sa 600,000 mga guro sa 46,603 na mga eskuwelahang pang-elementarya at sekondarya sa bansa.
Ginagawa ng BOC ang lahat ng makakaya nito para mapabilis ang transaksyon sa pamimigay ng nakumpiskang mga gamit upang pakinabangan ng mga nangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment