Wednesday, July 23, 2014

Silipin ang pondo



                                                               Silipin ang pondo  
                                                                  Rey Marfil


Parang bata na aagawan ng kendi ang mga nasa hudikatura o judiciary dahil sa binabalak ng mga mambabatas sa Kongreso na silipin at imbestigahan ang P1.775-bilyong Judiciary Development Fund (JDF) ng mga mahistrado sa Supreme Court (SC). Pero kung wala naman silang itinatago, aba’y siguro naman ay wala rin naman silang dapat ikapangamba.

Para sa kaalaman ng ating mga katropa, binubuo ng tatlong pangunahing sangay ang ating gobyerno – ang Executive o ehekutibo (Malacañang); ang Judiciary o hudikatura (Korte Suprema); at Legislative o lehislatura (mga mambabatas).

Iba’t iba ang papel na ginagampanan ng tatlong sangay na ito. Pero ang isa sa pinakamahalagang papel na kanilang ginagampanan ay ang tinatawag na “check and balance”, o sa madaling salita...
magbantayan sa isa’t isa. Kung hindi sila magbabantayan at magsasabwatan ang tatlong sangay na ito para abusuhin ang bayan, aba’y ang mga mamamayan ang kawawa at tiyak na dedo ang demokrasya.

Kung minsan, tila nagiging “silipan” din ang trabaho nilang bantayan ang isa’t isa. Pero anuman ang maging kalalabasan ng ginagawa nilang bantayan, kailangang igalang pa rin at sundin ng bawat isa ang kani-kanilang desisyon para maiwasan ang tinatawag na “constitutional crisis”.

Kapag mayroon kasing isa sa sangay na ito ang nag­labas ng desisyon laban sa isa, pero hindi naman susundin ng isa, mauuwi ito sa “titigan” at maghihintay kung sino ang unang “kukurap”. Kapag walang bumigay, ti­gil at mauuwi sa “nganga” ang lahat.

***

Kaya naman kahanga-hanga ang deklarasyon ng Malacañang na igagalang nila ang anumang magiging pinal na pasya ng Supreme Court (SC) tungkol sa Disbursement Acceleration Program o DAP matapos silang maghain ng motion for reconsideration (MR).

Matatandaan na idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa DAP. Bagay na hindi matanggap ng Malacañang kaya nagpaliwanag sa ba­yan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na wala silang nilalabag na batas, at sinabing sadyang kailangan ng ba­yan ang ipinalabas na pondo para sa mga kinakailangang programa at proyekto ng mga mamamayan.

Sa paghahain pa lang ng MR ay malinaw nang iginagalang ni PNoy ang proseso ng hustisya. Ang paghahain ng MR ay karapatan ng lahat na hindi pabor sa desisyon ng korte, kahit na sa mababang antas pa lamang.

Katunayan, marami sa ating mga kababayan ang suportado ang paghahain ni PNoy ng MR dahil naniniwala rin sila na kailangang ipaglaban ng isang tao ang pinaninindigan niyang tama.
‘Ika nga sa kasabihan—kapag nasa katwiran, ipag­laban mo.

Buweno, habang hinihintay natin ang magiging desisyon ng SC sa inihaing MR ng Malacañang sa DAP, may plano naman ang Kongreso na silipin din ang pondo ng mga mahistrado na tinatawag na JDF.

Huwag nating kalimutan na ang gagawing pagsilip sa JDF at iba pang pondo ng hudikatura ay isasagawa ng mga mambabatas o ng lehislatura. Ang kaso, may ilang kawani sa korte na nais palitawin na ang Malacañang o ehekutibo ang nagsusulong ng imbestigasyon sa kanilang pondo. Ilang beses nang dumistansiya ang Palasyo sa hakbangin ng mga kongresista na silipin ang paggastos ng mga mahistrado sa kanilang pondo.

Dahil “transparency at accountability” ang bukambibig ngayon sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi ba’t dapat lang na malaman ng publiko kung saan ginagastos ng mga mahistrado ang bilyones nilang pondo?

Sa tingin marahil ng ating mga kababayan, sa halip na mainis ang mga taga-korte, dapat pa silang matuwa dahil mabibigyan sila ng pagkakataon na maipakita sa ating mga kababayan na wala silang itinatagong ano­malya na posibleng lumabas sa gagawing imbestigasyon.

No comments: