Friday, July 11, 2014

Prayoridad ang SUCs!




















          

                                                             Prayoridad ang SUCs!
                                                                    Rey Marfil
Maganda ang ibubunga ng kautusan ng Malacañang na ipalabas na ang halos P1 bilyong pondo para suportahan ang rehabilitasyon at konstruksyon ng 35 state universities and colleges (SUCs) na nasira ng ‘Yolanda’ at iba pang kalamidad na tumama sa bansa noong 2013.

Nalaman natin ito sa liham ni Executive Secretary (Paquito) Ochoa Jr. kay Budget Secretary Florencio Abad kung saan binasbasan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang pagpapa­labas ng pondo.
Ipinapakita ni Pangulong Aquino na hindi niya pinababayaan ang kapakanan ng mga iskolar ng bayan.

Umaabot sa kabuuang P987.3 milyon ang mailalaan sa 35 SUCs na nangangailangan ng mabilisang pagkumpuni alang-alang sa kagalingan at interes ng daan-daang libong mga mag-aaral sa kolehiyo.

Nakakalat ang mga naapektuhang SUCs sa walong rehiyon na kinabibilangan ng Cagayan Valley, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Caraga.

***

Ilan sa SUCs na grabeng naapektuhan ng ‘Yolanda’ ang Eastern Samar State University (Borongan City); Eastern Visayas State University (Tacloban City); Visayas State University (Baybay City); Northern Iloilo Polytechnic State College (Estancia, Iloilo); Capiz State University (Roxas City); University of the Philippines-Manila School of Health Sciences (Palo, Leyte).

At good news din sa aking mga kababayan sa Romblon, kabilang ang Romblon State University (Odiongan, Romblon); Palompon Institute of Technology (Palompon, Leyte); University of Antique (Sibalom, Antique); Aklan State University (Ba­nga, Aklan); Iloilo State University of Science and Technology (Barotac Nuevo, Iloilo).

Iba pang state universities -- Western Visayas College of Science and Technology (Iloilo City); Cebu Normal University (Medellin, Cebu); Cebu Technological University (Bantayan and Camotes Islands, Cebu); Leyte Normal University (Tacloban City); Naval State University (Naval, Biliran); University of the Philippines-Visayas Tacloban College (Tacloban City); Samar State University (Catbalogan City); at Southern Leyte State University (Sogod, Southern Leyte).

Matatandaang sinalanta ng ‘Yolanda’ ang ­Eastern Visayas at iba pang parte ng Western at Central Visayas noong Nobyembre 8, 2013 na kumitil sa buhay ng mahigit sa 6,000 katao.

Bukod sa ‘Yolanda’, ilan pa sa mga kalamidad na tumama sa bansa noong 2013 ang 7.2 magnitude na lindol sa Bohol at kanugnog na mga lalawigan noong Oktubre 15 na kumitil sa buhay ng 209 katao at ang kaguluhan sa Zamboanga City noong Setyembre 9 hanggang 28 na ikinasawi ng 140 katao. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: