Friday, July 18, 2014

Nagkamali kaya ang SC sa DAP?



                                                         Nagkamali kaya ang SC sa DAP?
                                                                      REY MARFIL

Nagkamali kaya ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa pagdedeklarang ilegal o labag sa Saligang Batas ang ilang pangunahing probisyon sa Disbursement Acceleration Program o DAP na ipinatupad ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na ang pangunahing layunin ay mabilis na maihatid ang mga serbisyo at proyekto sa mamamayang Pinoy na tinatawag niyang “Boss”.

Sa kanyang national address nitong Lunes, ipinaliwanag ni PNoy kung bakit hindi siya sang-ayon sa na­ging pasya ng SC na ideklarang labag sa batas ang ilang probisyon sa DAP, gaya ng paglilipat ng pondo sa ibang ahensya, mula sa savings o ipon mula sa ibang ahensya.

Ayon sa Punong Ehekutibo, malinaw na nakasaad sa iba’t ibang probisyon ng isang batas na ang pangalan ay Administrative Code of 1987, at tinalakay ang paggamit ng savings.

Kabilang na dito ang Book VI, Chapter 5, Section 39 ng 1987 Administrative Code of the Philippines na nagsasabing: “—Except as otherwise provided in the Gene­ral Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations…”

Sa probisyong ito, nakasaad ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na maglipat ng savings sa ibang proyekto. Wala ritong nakasaad na limitasyon sa isang departamento o sangay ng gobyerno ang paglilipat ng sa­vings. Ang bahaging ito ang sandigan ni PNoy na hindi siya o wala siyang nilalabag na batas sa ipinatupad niyang DAP.

Ikinagulat din ni PNoy na hindi naisaalang-alang sa desisyon ng SC ang ginamit nilang batayan ng DAP.
Hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang Section 39 ng Administrative Code, at ang marami pang ibang bahagi nito na tiyak na gagamitin nilang katwiran sa ihahaing motion for reconsideration upang hikayatin ang mga mahistrado na baguhin ang kanilang desisyon.

***

Mali rin daw na ihalintulad o igaya ang DAP sa kontrobersyal na PDAF scam. Ang PDAF scam ay pondo ng mga mambabatas na inilagay umano sa pekeng NGOs na walang pinatunguhang proyekto at ibinulsa daw ang pera ng bayan. Samantalang ang DAP, pondong inilaan sa isang ahensya na may partikular na proyektong pinag­laanan at naipatupad, at pinakinabangan ng tao. In short, hindi ninakaw, hindi winaldas, hindi ibinulsa ang pondo.

Ipinaliwanag din ni PNoy na kinailangang ipatupad ang proyekto para magamit kaagad sa proyekto ang pondo at hindi na dapat palipasin ang mga buwan o taon dahil kailangan na ito ng mga mamamayan.

Base daw sa isang nag-text, ang sitwasyon daw ng DAP ay parang isang taong naghatid ng isang emergency case sa ospital pero pinagalitan siya dahil nag-park siya ng sasakyan sa no parking zone.
Para bang ang nakita lang ay pagkakamali sa maling pag-parking pero hindi nakita ang kabutihan na nagsalba siya ng buhay.

Hindi naman siguro lahat ng mga tao ay madaling magpapadala sa mga taong sinasamantala ang sitwasyon ng DAP upang mailihis ang atensyon sa iba pang malala­king kontrobersya. Batid din ng higit na nakararami na amoy na amoy na ang pulitika sa nalalapit na 2016 presidential election at may mga nangangamba sa lakas ng basbas ni PNoy sa mapipisil niyang suportahan kaya posibleng may kumikilos para mabawasan ang kanilang popularidad.

May iba rin na ang tingin sa naging talumpati ni PNoy ay tila palaban sa mga mahistrado ng SC. Ngunit papaano nga kung nagkamali ang mga mahistrado sa kanilang desisyon? Huwag nating kalimutan at alalahanin natin na makailang beses na ring nagbaligtad ng kanilang desisyon ang mga mahistrado.

Kung sakaling nagkamali nga ang mga mahistrado sa kanilang pagtingin sa isyu ng DAP, hindi ba para itong isang kaso sa korte na pinatawan ng parusa ang isang taong inosente? Kaya naman hindi natin masisisi kung maging palaban ang talumpati ni PNoy dahil nararapat lang naman na gamitin ng lahat ang kasabihan na, “kapag nasa katwiran, ipaglaban mo.”
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: