Monday, February 3, 2014

Wala sa ayos!



                                                                     Wala sa ayos!  
                                                                      REY MARFIL



Kasabay ng muling pagbuhay sa usapin ng pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen ay ang pagkakabisto ng isang kakaibang paraan ng pagpapahirap o pag-torture sa mga bilanggo na ginagamitan daw ng “wheel of torture” o “roleta ng kamalasan”.

Pero sa pagkakataong ito, ang may 10 pulis ng Biñan, Laguna na sinasabing nasa likod ng pag-torture sa mga nahuhuli nilang sangkot sa iligal na droga ang minalas sa pagpapaikot ng roleta dahil sila ngayon ang nasibak sa puwesto at iniimbestigahan.

Batay sa report, nakalagay sa roleta ang mga uri ng parusa na ipapataw sa pahihirapang bilanggo kaya tinawag itong “wheel of torture o “roleta ng kamalasan”. Aba’y kahit ano kasi ang mapili sa parusa sa roleta -- gaya ng ilang minutong sapak sa mukha o itatali nang patiwarik -- talaga namang mamalasin ang pahihirapang bilanggo.

Gayunpaman, itinatanggi ng mga pulis ang alegasyon na tino-torture nila ang mga nahuhuli nila. Pakana lang daw iyon ng mga taong nasasagasaan nila sa kanilang kampanya laban sa bawal na gamot. Kaya lang, ang Human Rights Commission ang nagsiyasat sa alegasyon at batid naman ng kapulisan na wala sa bukabolaryo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang torture.

Kaya naman inalis na sa kanilang puwesto ang mga inaakusahang pulis at isasailalim sila sa imbestigasyon ng liderato ng PNP. Pero dapat pagbutihan nila ang paliwanag sa kanilang mga opisyal upang malaman ang katotohanan.

Sa ganitong patas na imbestigasyon, makikita ng mga pulis na hindi kailangang pahirapan ang isang tao para magsabi ng totoo. Dapat ding magsilbing aral at paalala sa ibang pulis na hindi kokonsintihin ng kasalukuyang gobyerno ni PNoy ang mga gawaing lalabag sa karapatang pantao ng bawat Pilipino, kahit pa may kinakaharap itong kaso.

***

Bukod sa dignidad ng bawat isa, binibigyang-halaga rin ng pamahalaang Aquino ang buhay ng tao kaya naman malamig ang Pangulo sa mga mungkahi na ibalik ang parusang bitay o kamatayan sa mga taong nasasangkot sa karumal-dumal na krimen.

Pero hindi ito nangangahulugan na nais nang hayaan ni PNoy na mamayagpag ang mga kriminal tulad ng mga rapist ng bata. Nais lang niyang unahin na mapahusay ang sistema ng hustisya sa bansa at matiyak na kung sino man ang tunay na may sala ay siyang mapapatawan ng karampatang parusa.

Bukod diyan, pinapahusay ng pamahalaan ang hanay ng kapulisan upang masawata ang krimen o mahuli kaagad, masampahan ng kaso at malitis nang mabilis ang akusado. Higit kasi sa parusang kamatayan, mas pinakamabisang deterrent o panakot sa mga kriminal ang mabilis na pagpapataw at implementasyon ng hustisya.

Kahit kasi maibalik ang bitay, wala ring hustisya kung ang mabibitay ay inosente at ang tunay na may sala ay patuloy na nakalalaya. Tandaan natin na ang buhay ay isa lang, at hindi ito larong dama na pwedeng ibalik ang piyesa kapag mali ang tira.

Bukod sa mabilis at epektibong paggulong ng hustisya, magiging malaking panlaban din sa krimen ang pagtutulungan ng mga mamamayan na maging mapagmatyag at isumbong sa mga awtoridad para mahuli ang mga kriminal na gagawa pa lamang at mga nakagawa na ng kasalanan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: