Wednesday, February 5, 2014
May resulta!
May resulta!
Maganda ang resulta ng pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III na maisulong ang usapang pang-kapayapaan, patunay ang pirmahan sa final annex na magbibigay-daan sa komprehensibong usapang pang-kapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Binabati natin ang magkabilang panig dahil sa magandang balitang ito nang nilagdaan ng kanilang mga kinatawan ang annex sa Kuala Lumpur ng nakaraang linggo.
Dahil matuwid na daan, asahan na natin ang mabilis na aksiyon ng Kongreso sa pagpasa ng panukalang batas sa paglikha ng Bangsamoro Basic Law na isusumite sa isang plebisito.
Nakapaloob sa normalization annex ang pagbaba ng armas ng mga kasapi ng MILF habang babawasan naman ng pamahalaan ang bilang ng puwersa ng militar sa Mindanao at tutulungan ang MILF na puksain ang armadong grupo.
Ipatutupad rin ng pamahalaan ang mga programang sosyal at ekonomikal para sa mga kasapi ng MILF.
Dahil dito, asahan nating bubuti ang pambansang seguridad sa Mindanao at makikinabang ang mas maraming mga tao sa kaunlarang darating sa rehiyon.
***
Inaasahan na nating mataas ang ibibigay na satisfaction rating ng mga nakaligtas sa super typhoon Yolanda kay PNoy base sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey dahil ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para matulungan sila.
Sa ulat ng Fourth Quarter 2013 survey ng SWS, 73 porsiyento ng Yolanda survivors na ikinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap at naghihirap sa pagkain na nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo
habang 19 porsiyento ang hindi para sa resultang “very good” na net satisfaction rating na +54.
Sa kabilang banda, 69 porsiyento naman ng hindi nabiktima ng Yolanda na kasama rin sa survey ang nagsabing nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo at 21 porsiyento ang hindi para sa “good” net satisfaction rating na +48.
Nakakatuwa ring isipin na mas nagpapahalaga ang mga taong nabiktima ng trahedya dahil na rin sa pagsusumikap na ginagawa ni PNoy para matulungan ang kanilang hanay at malampasan ang lahat ng pagsubok.
Asahan na natin na ipagpapatuloy ni PNoy ang lahat ng magagandang programa alinsunod sa malinis nitong pamamahala.
Isa pang good news ang resulta ng pag-aaral ng Freedom House, isang US-based non-government organization, na nagsasabing nagbubunga na ang mga repormang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon para sa kanilang pangunahing mga karapatan.
Nagningning ang Pilipinas sa hanay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa usapin ng pagsusulong ng karaparang pulitikal at kalayaang sibil.
Napanatili ng Pilipinas ang bahagyang malayang estado sa ulat ng Freedom House, isang internasyunal na NGO sa Washington D.C. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN na nakakuha ng puntos na 3 na nasa kategorya ng political rights at civil liberties.
Sa ilalim ng Freedom House’s rating system, higit na malaya ang nakakuha ng isa habang bahagyang malaya rin ang pitong puntos.
Nakakuha naman ang ibang mga bansa sa Asya ng apat na puntos.
Malinaw na nag-ugat ang magandang kalagayan ng bansa sa pananaliksik ng Freedom House sa mga isinulong na reporma ng administrasyong Aquino kung saan labis na pinahahalagahan ang demokrasya at paggalang sa karapatang-pantao.
Kitang-kita ang pagpapahalaga dito ni PNoy dahil batid niyang ito ang pangunahing mga susi para sa isang mas malakas at progresibong bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment