Friday, February 7, 2014

Seryoso!



                                                                             Seryoso!
                                                                           Rey Marfil


Tama ang administrasyong Aquino na trabahuin sa ganito kaagang panahon ang paniniyak na hindi magkakaroon ng kawalan ng suplay ng kuryente sa panahon ng summer.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Energy (DOE) sa stakeholders upang tiyaking magiging maayos ang suplay ng kuryente.

Hindi talaga natin dapat payagan na magkaroon ng ma­lawakang kawalan sa suplay ng kuryente dahil makakasama lamang ito sa ekonomiya ng bansa at asahan natin ang DOE na tututukan ang sitwasyon.

Tinatrabaho ng DOE ang pagbalanse sa suplay ng kur­yente at pangangailangan upang mapigilan ang kawalan ng kuryente. Bukas ang pamahalaan sa mga konkretong panukala na maaaring magbigay ng proteksiyon sa mga konsyu­mer kaugnay sa tumataas na singil sa kuryente.

Kabilang dito ang pag-aaral sa 12-taong Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang palitan ang mga mahihinang probisyon at makatulong sa pangangailangan ng mga tao.

***

Magandang marinig ang paniniyak ng gobyerno sa publiko na ginagawa nito ang lahat para matiyak na hindi magiging transshipment point ng ipinagbabawal na gamot ang bansa.

Mismong si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nag-utos sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magbiga­yan ng impormasyon at magkatuwang na magtrabaho upang maging epektibo ang kampanya ng pamahalaan sa ipinagbabawal na gamot.

Sa katunayan, pinalakas ang kooperasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), at the Philippine National Police (PNP).

Mahalaga naman talaga ang pinalakas na kooperasyon at bigayan ng impormasyon para protektahan ang bansa laban sa ilegal na droga na maaaring makasira sa kabataan.

Dahil maganda ang ipinapakita ng mga awtoridad sa pagsugpo ng mga laboratoryo ng ipinagbabawal na mga gamot, posibleng naglipatan na rin ang malalaking sindikato sa ibang bansa at maaaring nagiging transshipment point ang Pilipinas.

Pero naging maganda talaga sa pangkalahatan, nagresulta ang bigayan ng impormasyon at pagtutulu­ngan ng mga ahensiya ng pamahalaan para masugpo ang ipinagbaba­wal na gamot, kabilang ang nasakoteng P1.3-bilyong ilegal na droga kamakailan.

At dapat suportahan din ng publiko ang pinatindi pang kampanya ng pamahalaan na labanan ang sinasabing drug cartel sa bansa matapos ang matagumpay na drug bust sa Batangas.

Sinusuring mabuti ng pamahalaan ang partikular na mga impormasyon sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa balitang gumagamit ng pasaporte ng US ang ilang mga kasapi ng sindikato.

Sa pamamagitan ng kautusan mula sa Pangulo, nagresulta sa matagumpay na drug busts ang pinatinding koordinasyon ng PDEA, PNP, NBI at iba pang anti-drug groups o ang banyagang drug enforcement agencies.

***

At makatwirang purihin din ang administrasyong Aquino kaugnay sa paninindigan nito na tutukan ang ekonomiya, pagsugpo sa kahirapan at labanan ang katiwalian ngayong 2014.

Konektado ang lahat, partikular sa pagsulong ng turismo na nangangahulugan ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.Upang makamit ito, kailangang pagbutihing mabuti ng pamahalaan ang pag-aayos at konstruksiyon ng mga imprastraktura na kitang-kitang pinagsusumikapang gawin ng administrasyong Aquino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: