Monday, February 24, 2014

Political will!



                                                                    Political will!  
                                                                     Rey Marfil


Sa loob ng susunod na mahigit na dalawang taon, masusubok ang pasensiya ng maraming motorista at mga pasahero dahil sa mga road construction projects na isasagawa sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila  kabilang na ang EDSA na magsisimula ngayong linggo.

Mismong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nagbigay ng babala tungkol sa mabigat na daloy ng trapiko kaya naman abala rin sila sa paghahanap ng paraan para maibsan kahit papaano ang problema na ang kapalit naman ay ginhawa kapag natapos na ang mga proyekto.

Kabilang sa tinatayang 15 road projects na gagawin na kung hindi man magkakasabay-sabay ay magpapang-abot ay ang six-lane Metro Manila Skyway System na aabot na Balintawak, Quezon City hanggang sa Makati. Bukod pa riyan ang proyektong magdudugtong din sa North Expressway at South Expressway.

Ipikit ang mga mata at isipin na pagkaraan ng dalawan­g taon ay may iba nang kalsada na dadaanan sa ibabaw ng EDSA; hindi ba mapapangiti ang mga motorista at manlalakbay na sa ngayon ay laging may baon na isang sakong pasensiya dahil sa mabigat na daloy ng trapiko lalo na kung sasapit ang panahon ng Kapaskuhan at kaliwa’t kanan ang mga “sale” sa mga mall.

Batay sa isang pag-aaralan ng Japan International Cooperation Agency, tinatayang umaabot sa P2.4 bilyon ang potensiyal na kita na nawawala sa Pilipinas dahil sa trapik.
Hindi pa kasama riyan ang tinatawag na quality time na nawawala sa bawat miyembro ng pamilya na dapat kasama nila ang mga mahal sa buhay pero nasasayang lang sa kalye bunga ng trapik.

Ngunit bago natin matikman ang ginhawang idudulot ng mga proyektong ito, tiyak na marami sa ating mga kababayan ang mapapakamot ng batok at mapapamura dahil sa posibleng mabigat na daloy ng trapiko na mararanasan sa EDSA at iba pang lansangan sa Metro Manila na maaapektuhan ng konstruksiyon.

Naghahanap naman ng iba’t ibang paraan ang MMDA at ibang ahensiya ng gobyerno kung papaano maiibsan ang mabigat na daloy ng trapiko. Kabilang na rito ang pagtukoy sa mga alternatibong daanan ng mga sasakyan, paggamit muli ng Pasig River Ferry system, pagpapatupad ng mas mahigpit na disiplina sa kalye laban sa mga pasa­way na motorista, at posibleng bawasan ang araw sa pasok sa mga paaralan at unibersidad na maaaring maapek­tuhan ng trapiko.

***

Napag-usapan ang konstruksyon, may mga mungkahi rin na gawin din na four-day work-week sa mga trabahador o kaya naman magpabigay ng flexible time ang mga kompanya sa kanilang mga trabahador na maaaring ma-late sa pasok sa trabaho dahil sa trapik.

Sa sitwasyong ito, mahalaga ang kooperasyon ng pri­badong sektor upang makaagapay ang ating mga mag-aaral at manggagawa sa anumang kahihinatnan ng mga gaga­wing road projects.

Maganda rin sana kung magkakaroon o maglalagay ng pahingahan at “shower room” ang mga kompanya o malls para sa mga maglalakbay na gagamit na lamang ng bisekleta kapag papasok sa trabaho o eskwelahan.

Mahirap din naman na papasok sila na amoy usok at nanggigitata ang hitsura dahil sa isang oras o kaya naman ay 30 minutong pagpadyak.

Matagal na nating inirereklamo ang trapiko sa Metro Manila at batid natin na isa sa mga solusyon nito ay pagkakaroon ng dagdag na kalsada na madadaanan ng mga dumadaming sasakyan. 

Ngayon ay nagkaroon ng political will ang administras­yong Aquino na isulong ang mga proyektong ito dahil na rin sa suporta at tiwala ng mga pribadong kompanya na ipa­tupad at pondohan ang mga proyekto.

Ngayon na nakalatag na ang mga proyektong magiging daan tungo sa kaunlaran dahil susi rin ng masiglang kalakalan ang mahusay at mabilis na paglalakbay, kailangan ng mga mamamayan na magbayanihan at pagtiisan kung anuman ang panandaliang abala na ibibigay ng mga road construction projects na ang resulta naman ay pangmatagalang ginhawa sa ating lahat.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: