Friday, February 14, 2014

Ang kay Juan ay kay Juan!


                                                          
                                                             Ang kay Juan ay kay Juan!
                                                                        Rey Marfil

Magandang inspirasyon ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita na suportado ng mga Pilipino ang legal na pakikipaglaban ng pamahalaan ng Pilipinas kontra sa China kaugnay sa mga teritor­yo sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa naturang survey na kinomisyon ng pamahalaan, lumitaw na 81% ng 1,550 katao na tinanong noong Dis­yembre 11-16, ang nagpahayag ng suporta na ipaglaban sa legal na paraan ang mga teritoryo ng Pilipinas na ina­angkin ng China.

Matatandaan na idinulog ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa International Arbitration Tribunal sa United Nation ang usapin sa ginagawang pagsakop ng China sa ilang teritoryo ng Pilipinas.
Isang halimbawa nito ang ginawang mapa ng China na 9-dash line na sumakop sa malaking bahagi ng West Philippines Sea na pinaniniwalaang mayaman sa mine­ral gaya ng mga natural gas.

Dahil sa resulta ng survey, tiyak na magbibigay ins­pirasyon ito sa pamahalaang Aquino at sa Department of Foreign Affairs na nangunguna sa hakbangin nang kuwestiyunin ang pambabarakong ginagawa ng China sa pamamagitan ng kanilang puwersang militar.

Matatag ang posisyon ng Pilipinas na ipaglaban ang mga teritoryo ni Juan sa West Philippine Sea dahil suportado tayo ng mga dokumento at ng mga pandaigdigang panuntunan. At ang mga basehang ito ang dahilan kaya ma­lakas ang loob ng gobyerno ni Juan na idulog ang usapin sa UN at inaasahan nating kikilingan ng mundo kung ano ang tama at hindi kung ano ang gusto ng naghahari-harian.

Kung ano kasi ang ingay ng China na ibalandra ang kanilang puwersang militar, tila bahag naman ang buntot nila na dalhin sa UN ang kanilang katibayan na magpapatunay na teritoryo nila ang halos buong West Philippine Sea.

Hindi porke nakilala sa kasaysayan ang bahagi ng karagatan na South China Sea ay nangangahulugan na sa kanila na nga iyon!

Ibig din bang sabihin na lahat ng nakilalang China Town sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay mangangahulugan na pag-aari rin ng China? I don’t think so.

***

Tama lang ang ginawang pagpapaala ni PNoy sa nangyari sa Sudentenland ng Czechoslovakia na pinabayaan ng mundo na masakop ng Nazi Germany noong 1938. Isang mapait na bahagi ng kasaysayan ng mundo na hindi na dapat maulit; na ang isang naghahari-harian na bansa ay basta na lang mang-aangkin ng teritoryo ng may teritoryo.

Sino nga ba ang nakakaalam ng susunod na hakbang ng China kapag pinayagan ng mundo na angkinin ang buong West Philippine Sea? Baka sunod nilang gawin ay ariin na rin nila ang buong Pilipinas at iba pang kalapit na maliit na bansa gaya ng Vietnam.

Kung ipinagmamalaki ng China na kasama silang luma­ban kontra sa Nazi Germany, dapat alam nila ang nangyaring pagbagsak ng dambuhalang emperyo ni Hitler na walang malaki na hindi kayang pabagsakin ng nagkakaisang bansa na tutol sa mga nang-aabuso.

Kung nagawa ng China na kumiling noon sa tama laban sa mapang-abusong Nazi empire, bakit hindi nila gamiting aral ang kasaysayan para makita nila kung ano ang tama at mali sa ginagawa nila ngayon? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: