Monday, February 10, 2014
May tamang lugar!
May tamang lugar!
Tama ang pamahalaan sa paninindigang ipatupad ang polisiya nitong “no-build zones” sa baybaying mga komunidad na naapektuhan ng malakas na bagyong “Yolanda”.
Bagama’t nauunawaan natin ang kagustuhan ng ating mga kababayan na makabalik sa kanilang lugar, maikonsidera rin sana nila na proteksiyon ang kanilang mga buhay at mga ari-arian sakaling tumama ang isang panibagong malakas na bagyo, ang iniisip ng pamahalaan.
Hindi maaaring isakripisyo ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga residente, lalung-lalo na ang mga naninirahan sa mga baybaying lugar.
Klaro naman ang dahilan sa polisiya ng pamahalaan, kaligtasan lamang ng mga tao ang pangunahing konsiderasyon na posibleng malagay sa alanganin kung lalabagin ang no-build zone.
Sana naman itigil na ng isang grupo ng Yolanda survivors ang kanilang kahilingan na huwag ipatupad ang no-build zone policy na nais nilang mangyari ngayon o hanggang bago sumapit ang Pebrero 14.
Ipinapatupad ng pamahalaan ang no-build zone sa kahabaan ng tinatawag na “eastern seaboard” ng Eastern Visayas para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa storm surges o biglang paglaki ng alon.
Noong nakaraang taon, sinalanta ng Yolanda ang Visayas at bahagi ng Katimugang Luzon na nagresulta sa kamatayan ng 6,200 katao -- isang malaking bangungot sa sambayanang Pilipino, maging sa buong mundo.
Ang good news lamang, sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang rehabilitation czar, ipinupusta ni Mang Kanor ang buong pagkatao nito na walang pondong tatagas sa konstruksyon at rehabilitasyon. Subok ang pagkatao ni Sec. Ping sa pera at kailanma’y hindi nasilaw sa pork barrel o nakipag-jamming kay Janet Napoles.
Kaya’t mahalagang suportahan natin ang mga polisiya ng pamahalaan dahil ginagawa naman ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito upang maibalik sa normal ang paninirahan ng survivors sa lalong madaling panahon, patunay ang pagtalaga ng mga taong mapagkakatiwalaan sa pera.
***
Asahan nating gagawin lahat ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang lahat ng makakaya nito para matiyak na magiging pamana ng kanyang administrasyon ang matagumpay na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Siyempre nakahanda rin ang pamahalaan na pakinggan ang mga sentimiyento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang breakaway faction ng MILF.
Pero hindi naman tamang tumigil ang pamahalaan sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan dahil lamang sa inilulunsad na opensiba ng BIFF na nilalabanan ng puwersa ng pamahalaan.
Sa anumang magandang simulain, talagang mayroong indibidwal o grupo na kokontra sa mga adhikain kahit magdudulot ito ng kabutihan sa mas nakakarami.
Sa kabilang banda, mahalagang bilisan ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) ang pagbuo sa draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) para agaran itong matalakay sa Kongreso, maratipikahan at maipatupad kasabay ng 2016 presidential elections.
Mayroon talagang pangangailangan sa BTC na bilisan ang pagbuo sa draft BBL upang matiyak na maipapasa ito at madesisyunan ng mga tao at magkaroon ng sapat na panahon sa “transition”.
Katulad ng iniutos ng Pangulo, asahan nating magiging transparent ang BTC at kukunin ang pulso o kokonsultahin ang lahat ng kinauukulan o grupong apektado.
Maganda ring marinig mismo kay Pangulong Aquino ang paniniyak nito sa BTC ng buong suporta, teknikal man, gabay, payo at pinansiyal na pangangailangan.
Magdasal po tayong lahat sa matagumpay na usapang pangkapayapaan na inaasam ng marami sa ating mga kababayan sa Mindanao.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment